Siete Palabras

 

Tumunog ang batingaw ng kapilya, kumaripas pati mga taga-bundok upang marinig ang Kanyang salita.

Sumapit ang ika-alas-6 ng gabi, kandila’y umilaw sa prusisyon na may maliliwanag na sindi.

Biyernes ay dumating, puraot na benta’y laging daing ng Monterey at ni Mang Carding.

Image

Ito ang mga nakaugalian nang tradisyon ng bawat Kristiyano tuwing sasapit ang semana santa noon. Ngayon, lahat ng ‘to ay tila inanod na ng panahon at tanging ilang bakas na lamang nito ang naiwan. Malayo na sa kinaugalian ng mga ninuno ang pinanatili ng mga kasalukuyang mananampalataya at sa pagsapit ng semana santa lamang natin naiisip magnilay-nilay. Kadalasan, buong linggo nito’y wala kang maririnig na imik dahil puro kabaitan nga ang ipinapakita (kahit pilit din naman) pero bago at pagkatapos nito ay ayun, matatagpuan mo ang mga napapariwarang nilalang: gala dito, singhot doon, tagay dito, kahalayan at sari-saring krimen naman roon.  Paulit-ulit na lamang bang ganito? Lingid na sa kaisipan ng lahat ang katuturan ng paggunita natin ng pagpapasakit at sakripisyo ni Hesus. Dumagdag pa riyan ang pagsibol ng makabagong teknolohiyang lalong kumitil ng ugnayan natin sa itaas.

Sa araw-araw na bukambibig nating mga salita, minsan may nabibitawan tayong kung ‘di man nakasakit ay nakapagbigay naman ng inspirasyon sa ating napagsabihan, yaong mga bulalas na tagos hanggang sa kaibuturan ng ating mga puso. Kaya heto at naisipan kong damhin at isabuhay muli ang mga huling wika ng ating Panginoon na siyang nagsisilbing panuntunan ng ating buhay, kung bakit tayo ay tuwid pang nakaduong sa ating kinalalagyan ngayon.

dawn“Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34a)

Kapatawaran ang kakanggata ng unang wika ni Hesus habang Siya ay nakabayubay sa krus. Sadyang ito marahil ang pinakamahirap na maibibigay natin lalo na kapag bangayan ay talamak na nangyayari. Mahirap nga naman kasi lunukin ang kapirasong mansanas ng pagmamataas kaya naiiwan itong pumapaibabaw sa ating antas. Isang kaibigan, kamag-anak o estranghero ma’y nararapat lamang na mabigyan ng pagkakataong patawarin sa anumang sala katulad ng ipinakita Niya sa atin. Bago pa man umapak sa semanang ito ay sinikap kong magbukas-loob at babaan ang aking sarili para tanggalin ang mga galit na ibinunton ko sa ilang mga dating matalik na kaibigan sapagka’t alam ko’y ito ang nararapat. Hindi naman maikailang mahirap kalimutan ang mga atrasong nagawa nguni’t nakakagaan pala ng loob kapag maiwaksi ang mga poot na nararamdaman. Nagawa ko iyon kaya alam kong sampu sa mga bumabasa ng paskil kong ito ngayon ay magagawa niyo rin ito. Sinumang kawal at Hudyo na naging bahagi na ng iyong buhay ay nararapat lamang na bigyan ng karampatang pagmamahal at kapatawaran.

“Sinasabi ko sa iyo: ngayon din ay isasama kita sa Paraiso” (Lucas 23:43).

Iba-iba halos ang pagtingin natin sa salitang Paraiso. Nung bata pa man ako’y ang simpleng kendi at paglabas sa akin sa mall ay isa nang Paraiso kung maituturing. Marahil Paraiso din sa inyo ang paglalakad sa parke habang may ka holding hands o ang simpleng yakap ng mga minamahal sa buhay. Habang lumipas ang panahon, nabago na rin ang inaasam kong Paraiso, at iyon nga kahit ni panaginip ay ‘di ko inasahang mangyayari ay natupad din. Animo’y nasa kaharian na ako ng walang katapusang kaligayahan nang makamit ko ang iba’t ibang parangal sa huling kabanata ng aking kaganapan. Nailuklok ako sa maraming matataas na puwesto noon at di man lamang nabigo kahit minsan. Iilang ginto’t tanson na rin ang sumakal sa aking leeg at naipakilo ko sa junkshop bunsod ng mga pagkapanalo sa mga patimpalak sa iba’t ibang larangan. Kaakibat na ng pangalan ko ang maraming responsibilidad, tinitingala ng mga kababata, at iyon ay masasabi kong isang dipang langit na ng aking buhay. Hindi ako ganun habang ako’y lumalaki, subali’t naramdaman kong pagyaya Niya iyon upang ihulma ako bilang isang anak Niya. Katiyakan ang ipinapahiwatig ng wikang ito. Lumaki ako bilang isang batang masunurin sa kanyang panuntunan, may takot sa Diyos at sa mga nakatatanda at hindi perpekto bagkus katulad ng mga kasama niyang makasalanang napako sa krus, nailaan Niya para sa akin ang kinabukasang makakapagturo at matagumpay. Ito’y parehong katiyakang ibibigay Niya sa sinumang lumapit at mananampalataya sa Kanya. At ngayon, iniingatan ko ang Paraisong ito na pilit kong ibinabahagi rin sa aking mga kapwang nangangailangan ng aking pinagkakadalubhasaan.

siete palabras“Babae, narito ang iyong anak. . . . Narito ang iyong ina!” (Juan 19:26b-27)

Dalawang bagay ang nais ituro ng wikang ito: “pagiging bahagi” (belongingness) at “pagkakatiwala” (trustworthiness). Mayroon pabang nakakahigit na damdamin at kaganapan na ang isang mahal sa buhay ay nasa kamay at kalinga ng isang responsableng taong mapagkakatiwalaan? Ang ating mga magulang o kung sinumang tumatayo sa atin bilang gabay ay siyang tagapangalaga ng ating kapakanan. Taliwas ang aking nagawa dito. Unti-unti kong natutuhang suwayin ang aking mga magulang sa iba’t ibang pamamaraan. Sumasagot nang di tama, kumakaliwa, tumatakas, at marami pang kabulastugan, naninisi rin kung minsan. Pero wala pa ring tutumbas sa kanilang pangangalaga. Napagtanto kong kahit madalas ay halos sila’y ipagtabuyan mo na parang estranghero, sila pa rin pala ang kumakapit at nariyan sa iyo bali-baliktarin man ang mundo. Sabi sa isang sermon ng isang par, “Sa paligid napakaraming ina at mga anak na dapat ihabilin sa mga taong pagkakatiwalaan. Kung ang iglesiya’y parang ina sa atin, huwag natin itong pabayaan. Kung an gating mga kabataan o mga kaanib sa iglesiya ang mga anak, huwag natin silang ihabilin sa maling pag-iisip at katuruan.” Tama nga naman.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46b)

Isang panalanging tanong mula sa isang taong may matinding kalagayan. Ito’y hindi tanong ng pagdududa; ito ay isang panaghoy na humihingi ng katatagan at katahimikan, panaghoy ng bawat taong nakakadama ng hungkag na kalagayan. Pero tuwing tayo’y naiipit sa sitwasyong nanunubok ng ating katatagan, hindi ba’t lagi nating nasisigaw, “suko na ako”? Akala natin pinabayaan na tayo, iniwan sa ere o nakalambitin sa banging isang tulak na lang ay malalaglag na. Aaminin ko, maraming beses ko na rin to natanong sa Kanya. Kesyo nangyari sakin to, nawalan ng laman ang kalupi ko, hindi ako pinasa sa ganitong pagsubok….marami. Basta maraming beses na at umabot sa puntong nagtampo ako. Hindi ako nagsisimba. Nagpakasaya ako sa mga dulot ng kamunduhan. Nagpakalulong sa walang sawang pagwawaldas para makamit ang lahat na nais. Subali’t hindi ako naging maligaya. Naroon pa rin ang kakulangan na Siya lamang ang tanging makakapagpuno. Hindi ko Siya nakilala ng lubos. Ganito tayo minsan, kapag mailagay sa ganitong sitwasyon, nagiging isa tayo sa mga hindi nakaintindi sa pang-apat na wika Niya. Ano nga ba ang kasagutan sa mga nakakakilala sa Kanya (ang mga Kristiyano)? Ito’y pakikiisa ni Krsto, hindi kapabayaan ng Diyos Amang sumasalangit.

Sa kahabaan ng ating paglalakbay, hindi maiiwasang masambit natin ito: Nauuhaw ako!” (Juan 19:28). Kaya anong nais ipabatid nito sa atin? Pangangailangan. Ang bawat isa sa atin ay nauuhaw, at nauuhaw din sa maraming pangangailangan. Marami akong hangad pang makamit sa buhay. Isa na ang makapagtapos sa kursong makakapag-abot ng higit na direktang tulong sa mga may karamdaman. Uhaw ako sa karunungan. Uhaw pa sa mga bagay na higit maituturo ng mga aklat. At tuwing nauudlot ang sana’y unang hakbang ko upang makamtan ito, nawawalan ako ng tiwala sa Kanya. Malayo sa ating paningin, hindi natin nakikita ang yaong mga nakakaramdam ng mas matinding uhaw kaysa sa atin. At dito tayo nagiging makasarili. Para tayong mga sundalong nagbigay ng isang mangkok ng maasim na alak sa ating kapwa. Sa halip na tubig, suka at mabagsik na lason ang ipinapainom natin sa ating kapwang kumakalam ang lalamunan. Hindi ba puwedeng kalinga’t pagmamahal ang itugon natin nang sa gayo’y tayo ay bubusugin ng “Buhay na Tubig” sa itaas?

JesusKung kaya sa kasalukuyan, kahit nangangalahati pa lang ako sa tinatahak kong landas tungo sa aking mga pangarap, masasabi ko pa ring, “Naganap na! (Juan 19:30).  Ang wikang ito ay isang sigaw ng “Tagumpay”. Oo, tagumpay na rin kahit papaano dahil narito pa din ako’t nakakahinga ng maluwag, pinapaligiran ng maraming espesyal na taong nagmamahal at kumakalinga sa isang anak, kapatid at kaibigan. Tagumpay ito kung maituturing sapagka’t unti-unti ko nang nakikita ang kaganapan ng aking layunin at adhikain sa buhay bagama’t ito’y nagsisimula sa ilang pagsubok at kahirapan. Mabatid sana natin na ang bawa’t araw na lumilipas ay “Mission accomplished” ika nga. Ito’y isang araw ng biyayang ipinagkaloob sa atin, malungkot man o Masaya ang nangyari. Bawa’t araw ay simula ng bagong pag-asang tayong nabubuhay pa upang maging katuwang ng mga tao sa paligid natin.

Ngayon, isa lamang ang magagawa ko sa mga susunod pang kabanata ng aking buhay. Ito ay ang pagtatalaga at pagsusuko ng aking sarili ayon sa plano ng Maykapal. Anumang susunod na mngyayari ay ipapaubaya ko na sa Kanyang direksyon kaya sabay sana nating bigkasing, “Ama, sa mga kamay mo’y ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu!” (Lucas 23:46).

la-cruz 

Isang mahalagang pahiwatig sa matagumpay na mensahe ng pagkabuhay ang kahulugan ng huling pitong wika ng Panginoon sa krus. Nawa’y nakatulong ito upang mas makilala natin ang ating mga sarili at kung gaano kalapit ang relasyon natin sa itaas. Magsilbi sana itong panuntunan sa pang-araw-araw nating gawi na siyang mag-aayos ng sansinukob.

At gaya nga ng sulat ni Fr. Guerrero, “Ang huling pitong wikang ito ay pintuan sa malawak na biyaya at pagmamahal ng Diyos tungo sa kapatawaran ng kasalanan …at higit sa lahat sa buhay na walang hanggan.”

Manalig ka.

Advertisements

KEVinspire me:

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s