Punso

“Huwag po! ‘wag po!  Aaaahhhh!!!!”

Kumaripas ng takbo ang mumunting nilalang. Nagsibagsakan ang mga gahiganteng sangang siyang nagpatag sa malapad nilang silungan.  Niyanig ang kalupaan ng buong San Kapunsuan.

“Kasalukuyan po tayong nakakaranas ng 7.2 magnitude na lindol dulot ng isang napakalakas at mapanindak na yabag ng itaas,” kinakabahang inuulat ni Kabayang Langgam sa telebisyon.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  nagngangalit na wika ni Koorot.

***************

“Santi, anak, tanghali na. Linggo ngayon, buong pamilya tayong magsisimba mamaya. Ilang buwan ka nang hindi nakakasama sa amin. Magpapapicture na din tayo habang andtio pa si Dadi niyo at para mailagay rin ang litrato natin sa sala,” wika ni Aling Marlyn.

“Haaaay. Oo sige sunod na lang ako, Ma. Five minutes,” antok na sagot ni Santi.

Lumipas ang dalawang oras ngunit hindi pa rin bumangon ang pilyong bata. Narinig na niya ang pagbukas ng geyt tanda ng paglisan ng kanyang pamilya subali’t hindi nito alintana…

“Yehey! Naiwan ulit ako! Ako na naman ang hari ng tahanang ito! Operation: Punso!”, lumundag sa galak si Santi. “O Pet-Pet, anong tinitingin-tingin mo? Tabi ka nga diyan!”, sigaw pa niya habang sinisipa palayo ang inosenteng kuting.

Lumabas ito ng pinto at nagpakasasa sa hardin. Kinuha nito ang kahon ng kanyang mga laruan at ikinalat sa buong espasyo habang katabi ang isang latang cookies at isang pitsel ng juice na kanyang paborito. Ipinila nito ang kanyang mga laruang trak at sasakyan at pinoste malapit sa paborito niyang punso, kunwari’y bukid na nilalakbay ng kanyang mga de-gulong.

“Arayaaaaay!”

“Peste ka ah!”

“Pak!” Walang awang pinagtiris-tiris ni Santi ang maliit na langgam.

“Hmm. S’an kaya yung mga kasama mo?”

Hinanap ni Santi kung saan nanggaling ang katiting na insekto.

“Hoooy! Ang cookies ko ‘wag niyong pagdiskitahan!”

Pinuntahan nito ang lata ng cookies at doon niya napansin ang mala-bumper-to-bumper ng mga pulang nilalang.

“Aha! Ang lakas pa ng loob niyong pestehin pati ang paborito ko. Tabi! Tabi!”

“Eto pa! Uhm! Pak! Tsk! Tak!”

May tiniris, may tinanggal ang ulo, may pinaggugupit ang mga paa, lahat na maisip niyang gawin ay ginawa na ni Santi makaganti lamang sa kagat na bunsod ng langgam.

“Ayaw niyo pa ring tigilan ha. Teka, san kaya ang pinakadulo ninyo……Ayun!”

Sinuyod niya ang mahabang linya ng mga langgam patungo sa paboritong paradahan ng kanyang mga sasakyan.

“Hoy! Hindi pa rin kayo aalis?! ‘Etong sa inyo!”

Tadaaahh!

“Isa, dalawa, talon! Lundag , lundag, lundag!”

“At ito pang matindi, waaaaaaaaaaaaaaah! Booom!”

Lumundag-lundag sa galit si Santi. Hindi pa nakuntento’t kumuha pa ng alcohol at diniligan ang butas-butas na punso sa paligid. Natutuwa ito wari’y mortal na kalaban ang kasagupa.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  Nagngangalit na wika ni Koorot.

“Uy, Santi! Matagal mo na kaming ginagambala.”

Napailing si Santi habang hinanap nito ang pinagmulan ng boses. “Ha? Nagsasalitang langgam? Hindi mo ko kaya. Kung manakot ka sa’kin wagas. Hahaha!”

“At ngayong winasak mo na ang San Kapunsuan at kinitil ang kalahati sa aking uri….,” babala ng langgam.

“Hala sige, ano pa?!”

 “….at sa tulong ng kapangyarihang ibinigay sa akin ni Inang Reyna… isinusumpa kitang maging kaparis ng aming lipi!

“Waaaaaaaaaaaaaaaaaaagggggg!!!!”

***************

“Inang Reyna, ito na po ang dahilan ng pagkasira ng ating punso. Siya si Santi, at simula ngayo’y miyembro na siya nga ating lahi.” wika ni Koorot.

“Magaling, magaling mahal kong Koorot. O siya, narinig niyo iyon madlang langgam, may dagdag na sa ating hukbong lakas. Bukas na bukas, humayo tayong lahat para mag-imbak muli ng buhangin at pagkaing sustento natin sa malapit na tag-ulan. Santi, nawa’y maunawaan mo ang aming pamumuhay dito at mapagtanto sa huli kung gaano kahalaga ang paninirang ginawa mo sa amin. Maligayang pamamalagi!” talumpati ng Inang Reyna.

“Pamamalagi?!”  tanong ni Santi, halata ang takot sa mukha.

“Oo Santi. Kaya tayo na, sumama ka na sa amin ni Kuya at mahaba-haba pa ang ating lalakbayin.” yaya ni Teeris, batang kapatid ni Koorot.

Kasabay si Koorot at Teeris, binaybay ni Santi ang kanilang hardin at naghanap ng madadala pauwi. Nakita niya ang pagkakayod ng mga mumunting langgam pati na ang paghihirap nilang pabalik-balik sa kuta upang makabuo ng gabundok na buhangin at magawan ng maliliit na kuwebang kanilang magiging kanlungan.

Butil na ulan ang bumagsak at sila’y mabilis nalunod. Mabilis ring humanap ng masisilungang dahon yaring si Santi. Takbuhan ng mga aso’y dulot ay malakas na pagyanig. Kinuyog si Santi at dali-daling kumapit sa maliliit na sanga sa paligid.

“Ganito pala kahirap ang buhay niyo para lang makabuo ng tahanan. Wala pa doon ang pagkain, mas mahirap pa lalo. Konting paggalaw lang sa lupa eh lindol na dito sa San Kapunsuan. Paumanhin Koorot, Teeris, hindi ko inakalang malaking pinsala pala ang hinatid ko sa inyo,” seryosong daing ni Santi habang humihingi ng patawad sa nagawang kasalanan.

“Sanay na kami sa mga taong walang pakialam sa amin, Santi. Oo, malalaki sila, pinagkatiwala sa kanila ang buong lalang ng Itaas pero sana naman maintindihan nila na kahit mumunting langgam lang ay may karapatan din sa mundong ito. May kanya-kanya tayong tirahang magbububong sa atin sa gitna ng mga unos, respeto na lang sana.” paliwanag ni Teeris.

“Tama si Teeris, Santi. Lahat ng bagay sa mundo’y pinaghihirapan. Kinalakhan na naming mga langgam ang magtulong-tulong. Meron kaming tinatawag na mandirigma, siyang bahala sa kapakanan ng buong kuyog. Kami naman ay napabilang sa manggagawa, kaya ito ang responsibilidad namin. Mumunti lang kami nguni’t kapag magkaisa’y sinlakas pa namin ang isang higanteng gumawa ng makakanlungan,” dagdag pa ni Koorot.

Punso ang tahanan namin. Kaya iniingatan namin ito,” pa-korong dugtong ng magkapatid.

“Oo nga. Kaya paumanhin ulit. Hinding-hindi na ako gagambala pa ng tirahan nang may tirahan. Tutulong na rin ako sa aking pamilya. At magsisipag. Kapag ako’y bigyan pa ng isang pagkakataong maibalik muli sa pagiging tao, gagawan ko kayo ng mas maayos na San Kapunsuan.”

At sa mga wikang iyon ni Santi, tumatak sa mga langgam ang tanda ng pagbabago ng bata…

***************

 “Santi! Santi! Gising na, nandito na kami. Buong maghapon ka na namang namamaluktot diyan.”

At hinagkan ni Santi ang kanyang ina ng mahigpit.

“Ma, salamat sa tahanang itinayo ninyo ni Papa. Basta po salamat! Pagyamanin ko po ito.”

Ito ay opisyal na lahok bilang Kuwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga batang pasaway at hindi mabait sa mga hayop na syang naging ako rin nuon. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Advertisements

Batingaw

 

“Needs to find a place, guide us with your grace…”

Ding! Dong! Ding!

Tumutunog na ang batingaw ng simbahan. Hudyat na naman ng unang Misa sa linggong ito.

“Gising! Mga kapatid, bangon na! Alas-kuwatro na ng umaga at may trenta minuto pa tayong pag-eensayo.”

Bilang pinakamatanda sa pangkat, si Mercedes na ang nagsilbing ate de pamilya sa mga batang manganganta ng Loboc. Tradisyon na kung maituturing sa kanilang bayan ang madinig ang mala-anghel na boses ng mga musmos. Maging ang pagiging pambato sa iba’t ibang patimpalak ay kanila nang napatunayan. Sila’y nagsilbi nang mga anak ng simbahan.

Habang nasa ensayo…

“Mga anghel kaming walang langit… Mga batang galing singit… Hindi alam kung san nanggaling…Lalalalalala la” pakantang kutya ni Bruno, anak ng pinakamayamang haciendero sa bayan.

Mercedes: Bruno, kahit wala kaming mga magulang at naturingang mga pulubi kami sa kalye, simbahan na ang nagging tahanan naming lahat. Dito kami pinagbubuklod, magkakaiba man nguni’t iisa pa rin ang lukso ng dugo namin bilang mga anak ng Diyos. Ito ang kanlungan namin, natin. Kaya igalang niyo naman ang banal na tahanang ito.  

“Ate kanta na tayo!” yaya ng pinakabatang si Maria.

“Ate?! Eh di nga kayo magkapatid, paslit! Mga batang kabute! Tsk!” dagdag pa ni Bruno.

Habang binibigkas na nila ang mga letra ng himno sa umagang iyon, unti-unting nagsipasukan na ang mga tagapakinig ng Misa. Dumami ang mga tao bunsod ng boses nilang wari’y nanghalina upang magsamba. Boses na siyang pumukaw sa damdamin ng mga nananalig. Boses na nagbibigay pag-asa sa mga may suliranin. Boses na siyang sumasagot sa kanilang mga daing.

Tapos na ang Misa.”, pahayag ng pari

“Salamat sa Diyos.”

Biglang yumanig nang malakas ang kapuluan. Nanginginig ang mga kubyertos sa harap ng altar. Unti-unting nalaglag ang mga santo’t santang nakadungaw sa kani-kanilang taguan. Walang humpay na nagalit ang kampanaryo. Umalingawngaw ang sigawan at takot sa buong iglesiya.

“Mga kapatid, huwag kalimutang manalig sa Kanya. Hala humawi kayo’t magsilabas na tayo. Teresa, ang mga bata!”, huling abiso ni Padre Jonas sa kanyang parokya.

“Diyos ko! Diyos ko! Iligtas Niyo lang po sila.”

Iyon na ang huling eksena sa simbahang iyon. Sa sumunod nilang pagmulat, wasak na ang kanulungang kanilang itinuring. Nag-iyakan na ang mga batang koro. Tanging ang mga alingawngaw na lang at bakas ng kahapon ang kanilang masisilungan kasabay ang pagmamahal at pagkakaisa ng buong bayan. Wala na silang magawa. Natibag na ang pundasyon ng kanilang tahanan. Tanging kislap ng pag-asang pinagningas ng kanilang mga tinig ang kanilang maipapangako, hinhiling at inaasahan…

“…give us faith so we’ll be safe.”

Ito ay opisyal na lahok bilang Maikling Kuwento sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga biktima ng lindol sa Bohol na may di-natitinag na pananampalataya sa Itaas. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Piring

Para sa Inyo,

Nagising ako wari’y binalot ng kadiliman, nangangapa. Hinintay ko ang pangako ninyong maiinit na yakap sa inyong mga braso. Ang inyong mga bulong ang siyang nag-uudyok sa aking sumipa’t mangisay sa loob, tanda ng pagkasabik na maramdaman ang inyong bawat haplos at salat sa aking balat. Yaong sa diwa ko’y maghahatid sa akin ng magaan na pakiramdam at kaluguran. Yaong magpipinta ng matitingkad na kulay sa liyenso ng aking buhay. Yaong, ay mukhang malabo na pala.

Siyam na buwan akong pinaasa sa kanlungang pilit kong tiniis upang maging magandang biyaya sa inyo gaya ng inyong bukambibig noon sa buong sansinukob. Kung pwede lamang hindi na pagdaanan noon ang pagiging bilig para makaalpas agad sa mundo’t mahagkan ko kayo, ginawa ko na. Wika ninyo’y matagal nyo akong hinintay at pinagdarasal. Pinuno lang pala ang tenga ko ng mga napakong sambit at pangako, siyang gumugulo sa’kin ngayon at nagpapaisip kung ano pa talaga ang saysay ng buhay ko sa yaring ibabaw.

Ginapang ko ang sarili ko habang ininda ang mga bubog ng nakaraan. Tila nilagyan ako ng piring at kadiliman ang tangi kong naaaninag habang binabaybay ang kahabaan ng palapag ng oportunidad. Alam niyo po abot-langit ang saya ko sa unang pagtuwid ng aking mga tuhod. Kahit gaano man kasakit isiping walang umaalalay sayo’y pinilit ko pa ring tumayo sa sarili kong mga paa. Pinagtibay ako ng mga alaala habang ako’y nasa bahay-bata, sa iyong sinapupunan, at iyon ang naging pundasyon ko upang ipagpatuloy ‘tong mapanglaw na pakikipagsapalaran.

Masakit, lalo na kapag ika’y kutyaing parang isang kabuteng basta na lang sumulpot sa hardin. Mahapdi, lalo na kapag ika’y nadadapa sa kalye ng kawalan, walang sumasaklolo, umaalalay. Mapanlulumo, lalo na kapag wala kang karamay na naglalakad sa walang-katiyakang daan. Nakakatakot. Nakakapangamba. Pero ayos lang po, nasanay na ako. Alam ko namang ang bawa’t pintig sa dibdib ko’y siyang tibok rin ng inyong mga puso. Malakas pa ring nananalaytay sa dugo ko kung ano man ang iniwan ninyong pangako noon; ito’y aking pinanghahawakan hanggang ngayon.

Tulad ng pangaral ng iyong pinagbilinan sakin, tinupad ko ang pangakong maging isang mabuting biyaya habang ako’y nagkakamuwang. Iyon lang, nakakalungkot isiping ilang pagtatapos na ang nagdaan at wala pa rin kayo para magsabit ng gintong parangal sa akin taun-taon. Sinikap ko po talagang magsunog-kilay upang makaakyat sa entablado habang ang palakpakan ng madla’y masasayang musika sa aking pandinig. Hati ang nararamdaman ko; hindi ako gaanong masaya. Minsan, hinahanap ko kasi ang sigaw na “Anak ko ‘yan!” sa umpukan subali’t ako’y nabibingi. Isang katok sa pinto’y agad akong kumakaripas sa akalang kayo’y sosorpresang darating. Lumbay ang siyang tanging regalong natatanggap ko sa tuwing dumaan ang ganitong mahahalagang silakbo sa aking buhay.

Naging makitid ang kumot sa simula ng pakikipagbuno ko sa mga tunay na hamon ng reyalidad. Tiyaga at pagpupursige ang naging susi ko sa iba’t ibang pintuang aking tinahak. Pangarap ang puhunan ko upang makamit ang matatamis na inaasam.  Hayaan niyo po, lumaki ako alinsunod sa mga panaginip niyo sa akin dati. Hindi ko pinabayaan ang aking sarili. Pinunan ko ang pagiging hungkag sa damdamin at kalamnan. Hinanapan ko ng lunas anumang hapdi ang aking nararamdaman. Sakaling maitatanong niyo po, huwag kayong mag-alala, okey lang po ako.

Ngayon, hiling ko’y magsilbing mabuting padre de pamilya hindi lamang sa loob ng aking tahanan kundi pati na rin sa sambayanang aking kinabibilangan. Pangarap ko pong pauwiin na lahat na nag-iibang-bayo para maibsan ang pangungulila ng mga supling lumaking walang mga magulang na katabi. Ayokong marami pa ang makakadanas ng tinahak ko. Gusto kong tanggalin ang piring sa kanilang mga mata at bigyang liwanag ang kanilang tatahaking landas. Gusto ko pong maging inspirasyon sa aking mga anak, gabayan sila sa kanilang paglaki, tatabihan, aakayin, aalalayan.

Hindi n’yo man nasilayan ang aking pagiging ganap, laking pasasalamat ko pa rin pong binigyan niyo ako ng pagkakataong makita ang kagandahan ng mundo. Sana saan mang sulok ng daigdig kayo ngayon, nawa’y lubos ninyo akong ipinagmamalaki. Hindi mahalaga ang karangyaang maibibigay niyo sana sa akin. Isa lamang po ang nais ko, ang kayo’y makapiling at makatabi.

Alam kong kayo’y babalik rin. Maghihintay ako, kahit ang ibig-sabihin nito’y habambuhay na pagkapiring at pangangapa sa dilim.

Nay, Tay, umuwi na po kayo.

Nagmamahal at Umaasa,

Ang Inyong Anak 

Ito ay opisyal na lahok bilang Sanaysay sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga kabataang Pilipinong iniwan o hindi na binalikan ng kanilang mga magulang.

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Tolda

Balot ng pighati at kasakiman,
sambayanang sinakop ng mapait na digmaan.
Tahanang pinagsikapang itinayo’y nalalansag
Ligaw na balang tumagos hanggang palapag.

Napagkakalas-kalas na silungang sinuhayan ng dupil
Nagsilbing kanlungan habang may pagsupil.
Payapang pamayananan nasira’t kinubkob
Panalangin ay kapayapaan sa buong sansinukob.

Walang kamuwang-muwang na mga supling
pilit pinagkasya sa loob ng mabuway na kulandong.
Mapupungay na mga mata’y matinding tumatangis,
butil ng luhang salamin ng pagkatakot at pangambang labis.

Higpit ni Ama’y tinikis upang baging ay tatatag at tutuwid
Kuwadrong butas pinagtibay gamit ang makapal na sinulid.
masusing tinahi kasama ang mapait na karanasan gabi-gabi.
Mapanatili lamang pamilyang buo sa gitna ng panganib at lagim.

Maagang nagising si Ina upang magsiga ng apoy
maibsan lang ang tiyang kumakalam buong maghapon.
Tuwing trak-trak ay paparating, lahat agad kumakaripas
Sa mga biyayang plastik laman ay kilo-kilong bigas.

Saksak puso tulo ang dugo.
Larong naibigang libangan ni bunso
Mapangahas. Malagim. ‘Di alintanang mga wikang nasasambit.
Bunga ng mga nasaksihang karahasan.
Larong hinalaw sa umaapoy na dahas at kasidhian sa kapaligiran.

Saksak puso tulo ang dugo.
Tila musikang sumasaliw sa mumunting tolda ng pamilyang Zambo.
masidhing dasal at pananampalataya’y tanging kalasag
Kapit-bisig. Magkayakap. Hindi lang mabubuwag.

Simpleng napagkakalas-kalas na silungang matibay na itinukod
Siyang kumupkop, sumilong at nagbigay bendisyon.

Ito ay opisyal na lahok bilang Tula sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga biktima ng digmaan sa Zamboanga na siyang naninirahan sa tinaguriang ‘Tent City’ ngayon. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image