Piring

Para sa Inyo,

Nagising ako wari’y binalot ng kadiliman, nangangapa. Hinintay ko ang pangako ninyong maiinit na yakap sa inyong mga braso. Ang inyong mga bulong ang siyang nag-uudyok sa aking sumipa’t mangisay sa loob, tanda ng pagkasabik na maramdaman ang inyong bawat haplos at salat sa aking balat. Yaong sa diwa ko’y maghahatid sa akin ng magaan na pakiramdam at kaluguran. Yaong magpipinta ng matitingkad na kulay sa liyenso ng aking buhay. Yaong, ay mukhang malabo na pala.

Siyam na buwan akong pinaasa sa kanlungang pilit kong tiniis upang maging magandang biyaya sa inyo gaya ng inyong bukambibig noon sa buong sansinukob. Kung pwede lamang hindi na pagdaanan noon ang pagiging bilig para makaalpas agad sa mundo’t mahagkan ko kayo, ginawa ko na. Wika ninyo’y matagal nyo akong hinintay at pinagdarasal. Pinuno lang pala ang tenga ko ng mga napakong sambit at pangako, siyang gumugulo sa’kin ngayon at nagpapaisip kung ano pa talaga ang saysay ng buhay ko sa yaring ibabaw.

Ginapang ko ang sarili ko habang ininda ang mga bubog ng nakaraan. Tila nilagyan ako ng piring at kadiliman ang tangi kong naaaninag habang binabaybay ang kahabaan ng palapag ng oportunidad. Alam niyo po abot-langit ang saya ko sa unang pagtuwid ng aking mga tuhod. Kahit gaano man kasakit isiping walang umaalalay sayo’y pinilit ko pa ring tumayo sa sarili kong mga paa. Pinagtibay ako ng mga alaala habang ako’y nasa bahay-bata, sa iyong sinapupunan, at iyon ang naging pundasyon ko upang ipagpatuloy ‘tong mapanglaw na pakikipagsapalaran.

Masakit, lalo na kapag ika’y kutyaing parang isang kabuteng basta na lang sumulpot sa hardin. Mahapdi, lalo na kapag ika’y nadadapa sa kalye ng kawalan, walang sumasaklolo, umaalalay. Mapanlulumo, lalo na kapag wala kang karamay na naglalakad sa walang-katiyakang daan. Nakakatakot. Nakakapangamba. Pero ayos lang po, nasanay na ako. Alam ko namang ang bawa’t pintig sa dibdib ko’y siyang tibok rin ng inyong mga puso. Malakas pa ring nananalaytay sa dugo ko kung ano man ang iniwan ninyong pangako noon; ito’y aking pinanghahawakan hanggang ngayon.

Tulad ng pangaral ng iyong pinagbilinan sakin, tinupad ko ang pangakong maging isang mabuting biyaya habang ako’y nagkakamuwang. Iyon lang, nakakalungkot isiping ilang pagtatapos na ang nagdaan at wala pa rin kayo para magsabit ng gintong parangal sa akin taun-taon. Sinikap ko po talagang magsunog-kilay upang makaakyat sa entablado habang ang palakpakan ng madla’y masasayang musika sa aking pandinig. Hati ang nararamdaman ko; hindi ako gaanong masaya. Minsan, hinahanap ko kasi ang sigaw na “Anak ko ‘yan!” sa umpukan subali’t ako’y nabibingi. Isang katok sa pinto’y agad akong kumakaripas sa akalang kayo’y sosorpresang darating. Lumbay ang siyang tanging regalong natatanggap ko sa tuwing dumaan ang ganitong mahahalagang silakbo sa aking buhay.

Naging makitid ang kumot sa simula ng pakikipagbuno ko sa mga tunay na hamon ng reyalidad. Tiyaga at pagpupursige ang naging susi ko sa iba’t ibang pintuang aking tinahak. Pangarap ang puhunan ko upang makamit ang matatamis na inaasam.  Hayaan niyo po, lumaki ako alinsunod sa mga panaginip niyo sa akin dati. Hindi ko pinabayaan ang aking sarili. Pinunan ko ang pagiging hungkag sa damdamin at kalamnan. Hinanapan ko ng lunas anumang hapdi ang aking nararamdaman. Sakaling maitatanong niyo po, huwag kayong mag-alala, okey lang po ako.

Ngayon, hiling ko’y magsilbing mabuting padre de pamilya hindi lamang sa loob ng aking tahanan kundi pati na rin sa sambayanang aking kinabibilangan. Pangarap ko pong pauwiin na lahat na nag-iibang-bayo para maibsan ang pangungulila ng mga supling lumaking walang mga magulang na katabi. Ayokong marami pa ang makakadanas ng tinahak ko. Gusto kong tanggalin ang piring sa kanilang mga mata at bigyang liwanag ang kanilang tatahaking landas. Gusto ko pong maging inspirasyon sa aking mga anak, gabayan sila sa kanilang paglaki, tatabihan, aakayin, aalalayan.

Hindi n’yo man nasilayan ang aking pagiging ganap, laking pasasalamat ko pa rin pong binigyan niyo ako ng pagkakataong makita ang kagandahan ng mundo. Sana saan mang sulok ng daigdig kayo ngayon, nawa’y lubos ninyo akong ipinagmamalaki. Hindi mahalaga ang karangyaang maibibigay niyo sana sa akin. Isa lamang po ang nais ko, ang kayo’y makapiling at makatabi.

Alam kong kayo’y babalik rin. Maghihintay ako, kahit ang ibig-sabihin nito’y habambuhay na pagkapiring at pangangapa sa dilim.

Nay, Tay, umuwi na po kayo.

Nagmamahal at Umaasa,

Ang Inyong Anak 

Ito ay opisyal na lahok bilang Sanaysay sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga kabataang Pilipinong iniwan o hindi na binalikan ng kanilang mga magulang.

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Advertisements

2 thoughts on “Piring”

KEVinspire me:

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s