Punso

“Huwag po! ‘wag po!  Aaaahhhh!!!!”

Kumaripas ng takbo ang mumunting nilalang. Nagsibagsakan ang mga gahiganteng sangang siyang nagpatag sa malapad nilang silungan.  Niyanig ang kalupaan ng buong San Kapunsuan.

“Kasalukuyan po tayong nakakaranas ng 7.2 magnitude na lindol dulot ng isang napakalakas at mapanindak na yabag ng itaas,” kinakabahang inuulat ni Kabayang Langgam sa telebisyon.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  nagngangalit na wika ni Koorot.

***************

“Santi, anak, tanghali na. Linggo ngayon, buong pamilya tayong magsisimba mamaya. Ilang buwan ka nang hindi nakakasama sa amin. Magpapapicture na din tayo habang andtio pa si Dadi niyo at para mailagay rin ang litrato natin sa sala,” wika ni Aling Marlyn.

“Haaaay. Oo sige sunod na lang ako, Ma. Five minutes,” antok na sagot ni Santi.

Lumipas ang dalawang oras ngunit hindi pa rin bumangon ang pilyong bata. Narinig na niya ang pagbukas ng geyt tanda ng paglisan ng kanyang pamilya subali’t hindi nito alintana…

“Yehey! Naiwan ulit ako! Ako na naman ang hari ng tahanang ito! Operation: Punso!”, lumundag sa galak si Santi. “O Pet-Pet, anong tinitingin-tingin mo? Tabi ka nga diyan!”, sigaw pa niya habang sinisipa palayo ang inosenteng kuting.

Lumabas ito ng pinto at nagpakasasa sa hardin. Kinuha nito ang kahon ng kanyang mga laruan at ikinalat sa buong espasyo habang katabi ang isang latang cookies at isang pitsel ng juice na kanyang paborito. Ipinila nito ang kanyang mga laruang trak at sasakyan at pinoste malapit sa paborito niyang punso, kunwari’y bukid na nilalakbay ng kanyang mga de-gulong.

“Arayaaaaay!”

“Peste ka ah!”

“Pak!” Walang awang pinagtiris-tiris ni Santi ang maliit na langgam.

“Hmm. S’an kaya yung mga kasama mo?”

Hinanap ni Santi kung saan nanggaling ang katiting na insekto.

“Hoooy! Ang cookies ko ‘wag niyong pagdiskitahan!”

Pinuntahan nito ang lata ng cookies at doon niya napansin ang mala-bumper-to-bumper ng mga pulang nilalang.

“Aha! Ang lakas pa ng loob niyong pestehin pati ang paborito ko. Tabi! Tabi!”

“Eto pa! Uhm! Pak! Tsk! Tak!”

May tiniris, may tinanggal ang ulo, may pinaggugupit ang mga paa, lahat na maisip niyang gawin ay ginawa na ni Santi makaganti lamang sa kagat na bunsod ng langgam.

“Ayaw niyo pa ring tigilan ha. Teka, san kaya ang pinakadulo ninyo……Ayun!”

Sinuyod niya ang mahabang linya ng mga langgam patungo sa paboritong paradahan ng kanyang mga sasakyan.

“Hoy! Hindi pa rin kayo aalis?! ‘Etong sa inyo!”

Tadaaahh!

“Isa, dalawa, talon! Lundag , lundag, lundag!”

“At ito pang matindi, waaaaaaaaaaaaaaah! Booom!”

Lumundag-lundag sa galit si Santi. Hindi pa nakuntento’t kumuha pa ng alcohol at diniligan ang butas-butas na punso sa paligid. Natutuwa ito wari’y mortal na kalaban ang kasagupa.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  Nagngangalit na wika ni Koorot.

“Uy, Santi! Matagal mo na kaming ginagambala.”

Napailing si Santi habang hinanap nito ang pinagmulan ng boses. “Ha? Nagsasalitang langgam? Hindi mo ko kaya. Kung manakot ka sa’kin wagas. Hahaha!”

“At ngayong winasak mo na ang San Kapunsuan at kinitil ang kalahati sa aking uri….,” babala ng langgam.

“Hala sige, ano pa?!”

 “….at sa tulong ng kapangyarihang ibinigay sa akin ni Inang Reyna… isinusumpa kitang maging kaparis ng aming lipi!

“Waaaaaaaaaaaaaaaaaaagggggg!!!!”

***************

“Inang Reyna, ito na po ang dahilan ng pagkasira ng ating punso. Siya si Santi, at simula ngayo’y miyembro na siya nga ating lahi.” wika ni Koorot.

“Magaling, magaling mahal kong Koorot. O siya, narinig niyo iyon madlang langgam, may dagdag na sa ating hukbong lakas. Bukas na bukas, humayo tayong lahat para mag-imbak muli ng buhangin at pagkaing sustento natin sa malapit na tag-ulan. Santi, nawa’y maunawaan mo ang aming pamumuhay dito at mapagtanto sa huli kung gaano kahalaga ang paninirang ginawa mo sa amin. Maligayang pamamalagi!” talumpati ng Inang Reyna.

“Pamamalagi?!”  tanong ni Santi, halata ang takot sa mukha.

“Oo Santi. Kaya tayo na, sumama ka na sa amin ni Kuya at mahaba-haba pa ang ating lalakbayin.” yaya ni Teeris, batang kapatid ni Koorot.

Kasabay si Koorot at Teeris, binaybay ni Santi ang kanilang hardin at naghanap ng madadala pauwi. Nakita niya ang pagkakayod ng mga mumunting langgam pati na ang paghihirap nilang pabalik-balik sa kuta upang makabuo ng gabundok na buhangin at magawan ng maliliit na kuwebang kanilang magiging kanlungan.

Butil na ulan ang bumagsak at sila’y mabilis nalunod. Mabilis ring humanap ng masisilungang dahon yaring si Santi. Takbuhan ng mga aso’y dulot ay malakas na pagyanig. Kinuyog si Santi at dali-daling kumapit sa maliliit na sanga sa paligid.

“Ganito pala kahirap ang buhay niyo para lang makabuo ng tahanan. Wala pa doon ang pagkain, mas mahirap pa lalo. Konting paggalaw lang sa lupa eh lindol na dito sa San Kapunsuan. Paumanhin Koorot, Teeris, hindi ko inakalang malaking pinsala pala ang hinatid ko sa inyo,” seryosong daing ni Santi habang humihingi ng patawad sa nagawang kasalanan.

“Sanay na kami sa mga taong walang pakialam sa amin, Santi. Oo, malalaki sila, pinagkatiwala sa kanila ang buong lalang ng Itaas pero sana naman maintindihan nila na kahit mumunting langgam lang ay may karapatan din sa mundong ito. May kanya-kanya tayong tirahang magbububong sa atin sa gitna ng mga unos, respeto na lang sana.” paliwanag ni Teeris.

“Tama si Teeris, Santi. Lahat ng bagay sa mundo’y pinaghihirapan. Kinalakhan na naming mga langgam ang magtulong-tulong. Meron kaming tinatawag na mandirigma, siyang bahala sa kapakanan ng buong kuyog. Kami naman ay napabilang sa manggagawa, kaya ito ang responsibilidad namin. Mumunti lang kami nguni’t kapag magkaisa’y sinlakas pa namin ang isang higanteng gumawa ng makakanlungan,” dagdag pa ni Koorot.

Punso ang tahanan namin. Kaya iniingatan namin ito,” pa-korong dugtong ng magkapatid.

“Oo nga. Kaya paumanhin ulit. Hinding-hindi na ako gagambala pa ng tirahan nang may tirahan. Tutulong na rin ako sa aking pamilya. At magsisipag. Kapag ako’y bigyan pa ng isang pagkakataong maibalik muli sa pagiging tao, gagawan ko kayo ng mas maayos na San Kapunsuan.”

At sa mga wikang iyon ni Santi, tumatak sa mga langgam ang tanda ng pagbabago ng bata…

***************

 “Santi! Santi! Gising na, nandito na kami. Buong maghapon ka na namang namamaluktot diyan.”

At hinagkan ni Santi ang kanyang ina ng mahigpit.

“Ma, salamat sa tahanang itinayo ninyo ni Papa. Basta po salamat! Pagyamanin ko po ito.”

Ito ay opisyal na lahok bilang Kuwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga batang pasaway at hindi mabait sa mga hayop na syang naging ako rin nuon. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Advertisements

2 thoughts on “Punso”

KEVinspire me:

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s