Category Archives: Bakas ng Tinta

Pilenyal

Huminga ka nang malalim. Lunukin mo. Sagad na sagad. Kahit mahirap, mabigat sa kalooban.

Ito ang madalas masakit pakinggan galing sa mga nauna sa amin. Tipong tingin nila kami’y walang pakialam sa mundo, salat sa kahinugan, mapusok, at higit sa lahat mapagmataas sa lahat ng bagay porke alam diumano ang lahat.

Millennials” ang tawag sa kabataang ipinanganak daw ng taong 1980 hanggang 2000. Makabagong kabataan kung sila ay tinagurian. Nawaglit na sa eksena si Batang X; si Batang Y na daw kasi ang pasok ngayon. Sila ang mga “Selfie dito, tablet doon, kompyuter dito, party doon” na tipo ng mamamayan. Kabarkada si pareng Google kapag may hindi maintindihan, kalakwatsa si mareng Waze kapag naligaw ng landas, sakay kay kuya Uber kapag tinatamad. Isa lamang ang nakikita ng lipunan sa mga milenyal na ito, wari’y mga nilamon ng kabihasnan at laganap na kaunlaran, inanod ng kahapon at ng bayang humubog at kinagisnan. Subali’t taliwas sa napupuna ng karamihan ay yung nag-aalab na mithiin ng mga ito na dakila’t mapangitain para sa bayan.

Ayon sa pinakabagong pagsisiyasat ng World Economic Forum, marami sa mga milenyal na ito’y nakikita ang mundo na sagana sa oportunidad at itinatalaga ang mga sarili bilang kabilang sa mga makakapagpabago nito anumang pagsubok ang dumating. Salungat sa mga dumaang henerasyon, naitala rin na ang mga makabagong kabataang ito ang pinaka-aktibong miyembro at malakas na boses ng sambayanan. Oo nga naman dahil sa Pilipinas pa lamang, saksi ang nagdaang eleksyon na nakasalalay ang mayoryang boto ng bansa sa kabataang Pinoy. Tatlumpu’t pitong porsyento ang naitalang pwersa nila noong nakalipas na halalan kung kaya’t malaki ang papel na kanilang ginagampanan sa anumang tinatahak na landasin ng bansa. At ang kanilang kapanganakan sa panahong lahat ay nasa mundo na ng teknolohiya ang siyang nagbigay-daan sa kanilang maiparating ang mga hinaing at saloobin hinggil sa mga mahahalagang usapin ng lipunan. Makikita dito ang layunin nilang magbigay dunong at kaalaman para sa ikakaayos ng kapwa, ng sanlibutan.

 “Ipakita mo ang tunay at kung sino ka, may’ron mang masama at maganda…” ika nga nila sa isang awitin.

Ang sari-saring persona at katangian ang siyang nagbibigay rin sa kanila ng pagkakakilanlan at bersyon ng kanilang mga sarili na siyang sumasalamin ng kanilang adhikaing ipagmalaki ang sarili sa paraang tapat, tunay at totoo. Naging mas bukas ngayon ang kabataan sa pakikipag-kapwa-tao. Nalusaw na ang hiyang nagkukubli ng mga itinatagong katangian bagay na nagbigay-daan upang ipahayag nila ang sarili sa mundo nang may tiwala sa sarili at lakas ng loob. Walang ibang patutunguhan ang larawang ito kung hindi ang mithiing makamit ang taos-pusong pagtanggap ng madla na magdudulot ng katiwasayan hindi lamang sa sarili kundi para sa lahat.

Pakikiapid sa pangkatang layunin. Malakas na katangian rin ito ng kabataan ng bagong henerasyon. Ang pagsali o panguna sa pulitika at iba’t ibang sibikong proyekto ay nagbubuklod sa tila napagkasunduan nilang layunin na baguhin ang mundo. Naging talamak ang pag-usbong ng kamalayang panlipunan, bagay na hindi nagagawa noon man. Kasabay ng larawang itong malaya sa impormasyon ang pag-usbong ng mas aktibong Pilipinas. Mas naipapalaganap ang kahinaan man o kaginhawaan dahil sa larawang ipininta ng mga kabataang ito. Aspetong sosyal at pulitikal ang minimithing ipinagtitibay ng ganitong konsepto na siyang inaasahang magdudulot ng bagong direksyon patungo sa tunay na tuwid na daan.

Hangad din ni Batang Y magkaroon ng maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malakas at malusog na pangangatawan. Sa kabila ng pag-usbong ng mga bagong karamdaman ay siya ring pag-unlad ng kamalayan ng milenyal sa usaping pangkalusugan. Hindi alintana ito dahil sa pagsulputan ng mga bahay-bakal na siyang pagpapawis ang inaasam. Isinalalarawan nito ang katangiang pagpupursige ng mga kabataan at pagkakaroon ng determinasyon sa sarili para sa mas mahabang pakikipagsapalaran, para sa ikauunlad ng isang malusog na bansa.

At dahil sa pagkahumaling sa teknolohiya, walang ibang ninanais ang batang milenyal kundi simulang tikisin at bigyan ng pinong hugis at maaliwalas na anyo ang hinaharap ng bansa. Gasantol man na buto ay kayang lunukin para mapatunayang taliwas ang tingin ng mga nakararami tungo sa amin: handang magpatawad, magpapababa, mag-alay ng sarili kahit hindi man mauwi sa libingan ng mga bayani.

 Tulad ko, hindi kami perpekto. Naniniwala akong ang yakapin ang paparating na bukas na may matatag na paninindigan at sapat na kaalaman ang bubuo sa isang tunay na Pilenyal– isang Pilipinong milenyal na magkukulay sa ngayo’y madilim na liyenso ng bansang Pilipinas.

Lunukin mo. Ipagmalaki.  Isa kang dakilang Pilenyal.

Ang sanaysay na ito na may temang “Mithiin ng Kabataang Millennials” ay opisyal na lahok  sa:

Saranggola 336x280

Salamat sa mga sponsors:

Advertisements

Kayod

Haring araw sumilip.
Nagsisiga ng apoy
sa dibdib ng dalisdis.Sikmura’y kumakalam
hindi inalintana.
Ilog pa’y tatawirin.

Langit man ay tumangis,
makipagsapalaran,
kakayod, magtitiis.

Pipila’t mag-aabang
sa riles ng kawalan,
sa baluktot na daan.

Init-ulo’y kapalit
Mahihinto sa trapik.
Pagliban ang sinapit.

Takipsilim darating
walang maiuuwi.
Magdidildil ng asin.

At sa bukang-liiwayway,
batingaw ay tutunog.
Mundo’y hindi titigil.

——————————-

Ito ay lahok bilang Tula sa:

Saranggola 336x280

sa pakikipagtulungan ng:

taragis-jpg-logodplogonew lionsmall logo_dmci Presentation1

Inaasam

          Kapirasong barya, nahulog at pinag-agawan…

       Matapos bumangon sa tila habambuhay na pagkaidlip, napunta ako sa nakaugalian kong pagdungaw sa bintana mula sa kinatatayuan kong ika-60 palapag ng condominium dito sa sentro ng ka-Maynilaan. Apat na tren ang bumungad sa kahabaan ng himpapawid, sardinas pa rin sa loob kagaya dati. Malayo na ang pagbabago ng mga imprastruktura kaysa sa kinalakhan ko labinlimang taon na ang nakalipas. Nakakalungkot nga lang isipin, tila tama nga ang kasabihan dati na ang mahirap ay lalong maghihirap, at ang mayayaman ay higit pang sasagana. Ayun, nakakalugmok tingnan na sa kabiila ng mga tore-toreng mga kabuteng nagsulputan sa lungsod ay naging talamak lalo ang mga sumisinghot sa footbridge ng SM North para makalimutan ang mga kumakalam na sikmura, ang mga “shoe-shine” boys na nagpupunas ng sapatos ko kapag ako’y papasok habang nasa España, ang mga limos-sa-sobreng may kung anu-anong dahilang nakasulat (depende sa panahon: nasunugan, pangmatrikula, pamasko) at nag-aabot nito habang nasa mahimbing kang paghihilik sa bus sa EDSA.  Nakakatuwa, naalala ko noon ang limang pisong iniaabot ko sa mga batang lansangang ito ay napagtatawanan pa, ngayon kapirasong piso ay pinag-aagawan na. Unti-unti sanang mawawala ang mga ito kapag patuloy na maraming programa ay hindi binibigyang tuldok. Ngayon, ika nga ng kapitbahay, may buslo pa kaya ng liwanag tayong masisilayan?

        Kaliitang papel, nahulog at nabitawan…

        Sariwa pa rin sa’kin ang pangyayari noong papasok ako sa trabaho at sinita ako ng ilang tropa ng MMDA dahil sa tiket na naitapon ko pagbaba ng bus habang kumakaripas patungong trabaho. Pinapili ako kung magbabayad ng multa o mag-alay ng isang linis-kalsada. Nakakapagtaka lang ngayon, meron parin kaya ng ganoong batas? Mukhang sa pagiging abala ng pamahalaan sa pag-abot ng kasaganaan ay nakakaligtaan na ang tuntuning kapaligiran. Hindi lang mga tiket ang kumakalat ngayon kundi sari-saring basura na ang makikitang nagliliparan sa kalye. Dagdag pa ang hindi-mahulugang-karayom na mga sasakyang nakikipaligsahan habang nagbubuga ng maitim na usok sa lansangan wari’y mga kabataang nagyoyosi sa mga sulok na nakita ko kahapon.  Heto’t ang Araneta ay barado rin dahil sa matinding habagat na sumalanta noong isang araw.

        Walang pasok ngayon at nakaiskedyul ako para mamili sa grocery ng mga pangangailangan. Sakto ring tumunog ang doorbell sa pinto na sa aking pagkaalala ay oras pala ng pagdeliver ng sampung galong tubig na itinawag ko nung nakaraan, pampaligo at inumin sa araw-araw. Oo, lahat ay nakabote na, bihira na ang walang bayad sa kasalukuyan, bihira na ang malinis na tubig na pagkukuhaan. Kung sana’y ang mga hangaring “Clean and Green” at “paligid ko, linisin ko” dati ay ipinagtibay lamang.  Ang tanong ngayon, mayroon pa kayang pag-asang malunasan ang sakit ni Inang Kalikasan?

          Kakarampot na sweldo, tinipid at pinagpaaral..

        Mahirap. Sabik ako dati sa pagbuo ng sarili kong pamilya. Subali’t ngayong tumuntong na ako sa tagpong ito, saka mo pala maiintindihan ang kahalagahang magsakripisyo. Wari’y isang-kahig-isang-tuka ang nagiging kalakaran ngayon; marahil ang marami rin sa pamilyang Pilipino lalo na pagdating sa edukasyon. Kinukulang ako parati sa pantustos sa tatlo kong anak na nag-aaaral sa elementarya. Doble kayod kami ni misis para maitaguyod at mabigyan ng magandang pundasyon ang aming mga supling. Gusto sana naming magkasabay sa larangan ng pag-oopera sa maysakit kaso madalas, lalaki ang tinatanggap dahilan na nasa ibang ispesyalisasyon siya napunta. Ilan sa aming mga kaibigan ay may ganitong suliranin na rin pagdating sa kanilang mga anak dahil sa salat na suportang pinansyal at mga pangakong napako galling sa gobyerno. Daing ng karamihan ngayon, kelan kaya maisasakatuparan at magiging “tunay na libre” ang pangunahing edukasyon dito sa bansa?

         Konting kirot, lumaganap at lumala…

        Bilang isang nars at doktor, naituon ko na ang kalahati ng aking buhay sa ospital, nag-aalaga at tumutulong magpagaling ng karamdaman ng iba. Pumasok ako sa ganitong propesyon nang may masigasig na paniniwalang matulungan ko, kaakibat ng ating pamunuan, na gawing bukas at malaya sa lahat lalo na sa mga kinakapos ang pagkamit ng tamang kalusugang gabay. Sa ilang taong nagdaan, marami sana ang mga epektibong batas ang naihain para sa mamamayang Pilipino, ngunit naantala ang mga ito dahil sa kakulangan ng tuon lalo na sa paglaan ng badyet sa kagawaran ng kalusugan.

        Noon, habang ako’y nasa trabaho, iilang bantay ang binibigyan ko ng barya para may mabiling gamot o swero. Ang paglabas ng ospital ay isang-dipang liwanag kung maituturing ng ilan sapagka’t patong patong na ang mga bayarin. Ilang balik na sa PCSO at Philhealth ang ipinawis, tuloy “Discharged Against Medical Advice” ang isinuong na panganib. Subali’t parang ganito pa rin yata ngayon. Hindi rin sa lahat ng oras ay nakaumbok ang aming mga kalupi para matulungan lahat ng nangangailangan. Madalas, kirot at hapdi ang higit na nararamdaman ko sa tuwing nakikitang ilang ina ang hindi makatanggap ng maayos na panganganak sa karampatang institusyon at maraming mga pasyente (lalo na mga kabataan) ang nababawian ng buhay dahil sa kakulangan ng panggastos sa kani-kanilang serbisyo medikal. Mga musmos na magtataguyod pa sana ng susunod na henerasyon. Mga hoben na maaaring maging presidente pa ng Pilipinas.  Bunsod nito, mas madalas, lalong mas marami ang pinipili na lamang na huwag tumungo sa ospital para magpagamot. Nakakalugmok. Nakakaawa. Isang hiling lamang ang aming daing, na kami’y bigyan sana ng kaukulang pansin. Kailan kaya mangyayari ito?

          Kaliitang lupa, pinagkait at pinag-awayan..

        Binuksan ko ang telebisyon, bumungad sa akin ang tila walang-katapusang debate sa pagmamay-ari ng islang teritoryo nga ba ng Tsina o Pilipinas. Hindi na ito bago sa aking pandinig. Kasabay ng paglipas ng mga araw ay pagdaan din ng mga panahong hindi ito nabibigyan ng agarang aksyon. Parang ang sitwasyon lang sa Mindanao, magulo, nagmamataasan. Kung hindi matapos-tapos ang mga ganitong isyu sa bansa, paano pa kaya ang mga pandaigdigang suliranin? Darating pa kaya ang panahong magkakasundo na lahat ng mga bansa sa mundo?

        Kumirot ang aking mga mata. Dahan-dahan kong binuksan muli ang mga ito matapos makatulog habang nanonood ng palabas. Liwanag ay aking unti-unting naaaninag.  At ako’y nagising mula sa isang masalimuot na bangungot…

        Madalas may mga pangitain tayo sa kung anuman ang nais natin sa hinaharap. May mga pangarap tayo na gusto nating abutin at makamtan. Patunay ito na mayroong pag-asa sa bawat araw na lumilipas at dumadaan. Marahil, ang mga ganitong panaginip ay pamukaw-damdamin sa atin na maging mas mapagmatyag tayo sa mga nangyayari sa ating bansa at mundo sa kasalukuyan. Ang bukas na kamalayan ukol sa mga naglipanang isyu sa paligid ay higit na makakatulong sa atin upang iangat ang ating kalagayan kaysa sa tumunganga sa tabi o pausukin ang mga ilong at tenga sa bawat silakbo’t kaganapan. Sa susunod na labinlimang taon, lahat ng ito ay hindi malayong mangyayari kung hindi natin matututunang magsuhay at kumilos para sa pangkalahatang kapakanan. At higit akong naniniwalang kaunlaran ay makakamtan kung sisimulan ang pagbabago sa TAHANAN.

        Ang pagkamit natin ng mga pandaigdigang layuning sugpuin ang kahirapan at mga sakit (pati na ang HIV/AIDS), ang pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan, kababaihan at maging ng ating kapaligiran ay mas maging makatotohonan kung pagtibayin, ipagpatuloy at magbukas ng maraming programang pampamilya ang pamahalaan nang sa gayon ay mabigyang-solusyon ang mga suliraning ito. Anumang pangkalahatang aksyon ay hindi maisasakatuparan kung hindi sinisimulan sa mababang pamahalaan, at ito ay ang PAMILYA. Sapagka’t anumang maliit na gusot na maaayos ay siya ring ikabubuti ng mas lumalaking populasyon.

         Ngayon, ano kaya ang higit na mas epektibong gawin?

        Dahil ang unang hangarin ng tinatawag na Millennium Development Goals (na sinang-ayunan ng maraming bansa tungo sa kaunlaran) na puksain ang matinding gutom at kahirapan ang nagsisilbing angkla na nag-uugnay sa iba pang mga hangarin, nararapat lamang na ito ang mahalagang pagtuunan ng pansin. Kapag ito’y malunasan, naniniwala akong ang iba pang mga problema ay sabay na mawawakasan rin. Inyong pansinin: Agrikultura ang pangunahing ikinabubuhay ng bansa kung kaya’t kapag may seguridad sa pagkain, lalo na sa maliliit na magsasaka at pamilya, dadami ang produksyon, tataas ang empleyo pati sa kababaihan, may panggastos ang pamilya- mapagpaparal ang mga anak, may pambili ng gamot at mababawasan ang sakit, lilinis ang kapaligiran- na siyang magdudulot ng katiwasayan hanggang sa ito’y mapalaganap sa buong bansa. Isa lamang ito sa mga halimbawang maaaring magdulot ng isahang pagsagot sa’ting mga problema. Sa ganang akin, kung mapagtibay ng pamahalaan ang pundasyon ng pamilya’y tiyak na liliit ang agwat ng mayayaman at mahihirap sa bansa at maitatawid tayo nito tungo sa kaunlarang tinataya nating makamtan. Ika nga ni Tito Boy, “this is the bottomline”.

        S’ya nga pala, umpisahan din natin sa ating mga sarili ang pagiging maalaga. Kasabay ng ating pamahalaang dapat na magtaguyod ng mga epektibong batas na may pangunahing pagtuon sa mga pangitaing panghinaharap, ay siya ring pagtulong natin na maabot ito sa pamamagitan ng pagdidisiplina sa ating mga sarili at pagsunod sa mga ipinapatupad.

        Nawa’y huwag sana nating hintayin pa na dumating ang araw sa Pilipinas na dadami ang sisinghot para mabigyan ng kaginhawaan sa tiyan, na mas tatalamak ang pagbibigay ng sobre sa lansangan, na pati hangin ay ibobote na rin at ibebenta; iilang babae ang sasamantalahin at mapagkakaitan ng oportunidad, iilang mga magulang ang mamamatayan o karitin ni kamatayan, at salubungin ang marami pang delubyo’t lindol na sasalanata sa ating kapaligiran. Simulan ang pagbabago sa sarili, pagtibayin ang bawat tahanan, sapagka’t ito’y ang tangi nating kayamanan tungo sa kaunlaran, at hinding-hindi mapaparam kailanman.

 Simpleng pamamaraan, magdadala sa atin sa hinaharap na inaasam…#

Ito ay opisyal na lahok bilang Sanaysay: Pilipinas 2030 sa Saranggola Blog Awards 2014.

Image

Laking pasasalamat din sa

Image

2taragis2imove 2kw 2peba  2dp

Punso

“Huwag po! ‘wag po!  Aaaahhhh!!!!”

Kumaripas ng takbo ang mumunting nilalang. Nagsibagsakan ang mga gahiganteng sangang siyang nagpatag sa malapad nilang silungan.  Niyanig ang kalupaan ng buong San Kapunsuan.

“Kasalukuyan po tayong nakakaranas ng 7.2 magnitude na lindol dulot ng isang napakalakas at mapanindak na yabag ng itaas,” kinakabahang inuulat ni Kabayang Langgam sa telebisyon.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  nagngangalit na wika ni Koorot.

***************

“Santi, anak, tanghali na. Linggo ngayon, buong pamilya tayong magsisimba mamaya. Ilang buwan ka nang hindi nakakasama sa amin. Magpapapicture na din tayo habang andtio pa si Dadi niyo at para mailagay rin ang litrato natin sa sala,” wika ni Aling Marlyn.

“Haaaay. Oo sige sunod na lang ako, Ma. Five minutes,” antok na sagot ni Santi.

Lumipas ang dalawang oras ngunit hindi pa rin bumangon ang pilyong bata. Narinig na niya ang pagbukas ng geyt tanda ng paglisan ng kanyang pamilya subali’t hindi nito alintana…

“Yehey! Naiwan ulit ako! Ako na naman ang hari ng tahanang ito! Operation: Punso!”, lumundag sa galak si Santi. “O Pet-Pet, anong tinitingin-tingin mo? Tabi ka nga diyan!”, sigaw pa niya habang sinisipa palayo ang inosenteng kuting.

Lumabas ito ng pinto at nagpakasasa sa hardin. Kinuha nito ang kahon ng kanyang mga laruan at ikinalat sa buong espasyo habang katabi ang isang latang cookies at isang pitsel ng juice na kanyang paborito. Ipinila nito ang kanyang mga laruang trak at sasakyan at pinoste malapit sa paborito niyang punso, kunwari’y bukid na nilalakbay ng kanyang mga de-gulong.

“Arayaaaaay!”

“Peste ka ah!”

“Pak!” Walang awang pinagtiris-tiris ni Santi ang maliit na langgam.

“Hmm. S’an kaya yung mga kasama mo?”

Hinanap ni Santi kung saan nanggaling ang katiting na insekto.

“Hoooy! Ang cookies ko ‘wag niyong pagdiskitahan!”

Pinuntahan nito ang lata ng cookies at doon niya napansin ang mala-bumper-to-bumper ng mga pulang nilalang.

“Aha! Ang lakas pa ng loob niyong pestehin pati ang paborito ko. Tabi! Tabi!”

“Eto pa! Uhm! Pak! Tsk! Tak!”

May tiniris, may tinanggal ang ulo, may pinaggugupit ang mga paa, lahat na maisip niyang gawin ay ginawa na ni Santi makaganti lamang sa kagat na bunsod ng langgam.

“Ayaw niyo pa ring tigilan ha. Teka, san kaya ang pinakadulo ninyo……Ayun!”

Sinuyod niya ang mahabang linya ng mga langgam patungo sa paboritong paradahan ng kanyang mga sasakyan.

“Hoy! Hindi pa rin kayo aalis?! ‘Etong sa inyo!”

Tadaaahh!

“Isa, dalawa, talon! Lundag , lundag, lundag!”

“At ito pang matindi, waaaaaaaaaaaaaaah! Booom!”

Lumundag-lundag sa galit si Santi. Hindi pa nakuntento’t kumuha pa ng alcohol at diniligan ang butas-butas na punso sa paligid. Natutuwa ito wari’y mortal na kalaban ang kasagupa.

“Inang reyna! Itay! Tulong!”

“Nasisira na ang ating lugar! Nasayang ang kalahating taon nating pinagpaguran. Humanda silang may pakana nitong kaguluhan sa ating Paraiso. Tuturuan ko sila ng leksyon.”  Nagngangalit na wika ni Koorot.

“Uy, Santi! Matagal mo na kaming ginagambala.”

Napailing si Santi habang hinanap nito ang pinagmulan ng boses. “Ha? Nagsasalitang langgam? Hindi mo ko kaya. Kung manakot ka sa’kin wagas. Hahaha!”

“At ngayong winasak mo na ang San Kapunsuan at kinitil ang kalahati sa aking uri….,” babala ng langgam.

“Hala sige, ano pa?!”

 “….at sa tulong ng kapangyarihang ibinigay sa akin ni Inang Reyna… isinusumpa kitang maging kaparis ng aming lipi!

“Waaaaaaaaaaaaaaaaaaagggggg!!!!”

***************

“Inang Reyna, ito na po ang dahilan ng pagkasira ng ating punso. Siya si Santi, at simula ngayo’y miyembro na siya nga ating lahi.” wika ni Koorot.

“Magaling, magaling mahal kong Koorot. O siya, narinig niyo iyon madlang langgam, may dagdag na sa ating hukbong lakas. Bukas na bukas, humayo tayong lahat para mag-imbak muli ng buhangin at pagkaing sustento natin sa malapit na tag-ulan. Santi, nawa’y maunawaan mo ang aming pamumuhay dito at mapagtanto sa huli kung gaano kahalaga ang paninirang ginawa mo sa amin. Maligayang pamamalagi!” talumpati ng Inang Reyna.

“Pamamalagi?!”  tanong ni Santi, halata ang takot sa mukha.

“Oo Santi. Kaya tayo na, sumama ka na sa amin ni Kuya at mahaba-haba pa ang ating lalakbayin.” yaya ni Teeris, batang kapatid ni Koorot.

Kasabay si Koorot at Teeris, binaybay ni Santi ang kanilang hardin at naghanap ng madadala pauwi. Nakita niya ang pagkakayod ng mga mumunting langgam pati na ang paghihirap nilang pabalik-balik sa kuta upang makabuo ng gabundok na buhangin at magawan ng maliliit na kuwebang kanilang magiging kanlungan.

Butil na ulan ang bumagsak at sila’y mabilis nalunod. Mabilis ring humanap ng masisilungang dahon yaring si Santi. Takbuhan ng mga aso’y dulot ay malakas na pagyanig. Kinuyog si Santi at dali-daling kumapit sa maliliit na sanga sa paligid.

“Ganito pala kahirap ang buhay niyo para lang makabuo ng tahanan. Wala pa doon ang pagkain, mas mahirap pa lalo. Konting paggalaw lang sa lupa eh lindol na dito sa San Kapunsuan. Paumanhin Koorot, Teeris, hindi ko inakalang malaking pinsala pala ang hinatid ko sa inyo,” seryosong daing ni Santi habang humihingi ng patawad sa nagawang kasalanan.

“Sanay na kami sa mga taong walang pakialam sa amin, Santi. Oo, malalaki sila, pinagkatiwala sa kanila ang buong lalang ng Itaas pero sana naman maintindihan nila na kahit mumunting langgam lang ay may karapatan din sa mundong ito. May kanya-kanya tayong tirahang magbububong sa atin sa gitna ng mga unos, respeto na lang sana.” paliwanag ni Teeris.

“Tama si Teeris, Santi. Lahat ng bagay sa mundo’y pinaghihirapan. Kinalakhan na naming mga langgam ang magtulong-tulong. Meron kaming tinatawag na mandirigma, siyang bahala sa kapakanan ng buong kuyog. Kami naman ay napabilang sa manggagawa, kaya ito ang responsibilidad namin. Mumunti lang kami nguni’t kapag magkaisa’y sinlakas pa namin ang isang higanteng gumawa ng makakanlungan,” dagdag pa ni Koorot.

Punso ang tahanan namin. Kaya iniingatan namin ito,” pa-korong dugtong ng magkapatid.

“Oo nga. Kaya paumanhin ulit. Hinding-hindi na ako gagambala pa ng tirahan nang may tirahan. Tutulong na rin ako sa aking pamilya. At magsisipag. Kapag ako’y bigyan pa ng isang pagkakataong maibalik muli sa pagiging tao, gagawan ko kayo ng mas maayos na San Kapunsuan.”

At sa mga wikang iyon ni Santi, tumatak sa mga langgam ang tanda ng pagbabago ng bata…

***************

 “Santi! Santi! Gising na, nandito na kami. Buong maghapon ka na namang namamaluktot diyan.”

At hinagkan ni Santi ang kanyang ina ng mahigpit.

“Ma, salamat sa tahanang itinayo ninyo ni Papa. Basta po salamat! Pagyamanin ko po ito.”

Ito ay opisyal na lahok bilang Kuwentong Pambata sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga batang pasaway at hindi mabait sa mga hayop na syang naging ako rin nuon. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image

Batingaw

 

“Needs to find a place, guide us with your grace…”

Ding! Dong! Ding!

Tumutunog na ang batingaw ng simbahan. Hudyat na naman ng unang Misa sa linggong ito.

“Gising! Mga kapatid, bangon na! Alas-kuwatro na ng umaga at may trenta minuto pa tayong pag-eensayo.”

Bilang pinakamatanda sa pangkat, si Mercedes na ang nagsilbing ate de pamilya sa mga batang manganganta ng Loboc. Tradisyon na kung maituturing sa kanilang bayan ang madinig ang mala-anghel na boses ng mga musmos. Maging ang pagiging pambato sa iba’t ibang patimpalak ay kanila nang napatunayan. Sila’y nagsilbi nang mga anak ng simbahan.

Habang nasa ensayo…

“Mga anghel kaming walang langit… Mga batang galing singit… Hindi alam kung san nanggaling…Lalalalalala la” pakantang kutya ni Bruno, anak ng pinakamayamang haciendero sa bayan.

Mercedes: Bruno, kahit wala kaming mga magulang at naturingang mga pulubi kami sa kalye, simbahan na ang nagging tahanan naming lahat. Dito kami pinagbubuklod, magkakaiba man nguni’t iisa pa rin ang lukso ng dugo namin bilang mga anak ng Diyos. Ito ang kanlungan namin, natin. Kaya igalang niyo naman ang banal na tahanang ito.  

“Ate kanta na tayo!” yaya ng pinakabatang si Maria.

“Ate?! Eh di nga kayo magkapatid, paslit! Mga batang kabute! Tsk!” dagdag pa ni Bruno.

Habang binibigkas na nila ang mga letra ng himno sa umagang iyon, unti-unting nagsipasukan na ang mga tagapakinig ng Misa. Dumami ang mga tao bunsod ng boses nilang wari’y nanghalina upang magsamba. Boses na siyang pumukaw sa damdamin ng mga nananalig. Boses na nagbibigay pag-asa sa mga may suliranin. Boses na siyang sumasagot sa kanilang mga daing.

Tapos na ang Misa.”, pahayag ng pari

“Salamat sa Diyos.”

Biglang yumanig nang malakas ang kapuluan. Nanginginig ang mga kubyertos sa harap ng altar. Unti-unting nalaglag ang mga santo’t santang nakadungaw sa kani-kanilang taguan. Walang humpay na nagalit ang kampanaryo. Umalingawngaw ang sigawan at takot sa buong iglesiya.

“Mga kapatid, huwag kalimutang manalig sa Kanya. Hala humawi kayo’t magsilabas na tayo. Teresa, ang mga bata!”, huling abiso ni Padre Jonas sa kanyang parokya.

“Diyos ko! Diyos ko! Iligtas Niyo lang po sila.”

Iyon na ang huling eksena sa simbahang iyon. Sa sumunod nilang pagmulat, wasak na ang kanulungang kanilang itinuring. Nag-iyakan na ang mga batang koro. Tanging ang mga alingawngaw na lang at bakas ng kahapon ang kanilang masisilungan kasabay ang pagmamahal at pagkakaisa ng buong bayan. Wala na silang magawa. Natibag na ang pundasyon ng kanilang tahanan. Tanging kislap ng pag-asang pinagningas ng kanilang mga tinig ang kanilang maipapangako, hinhiling at inaasahan…

“…give us faith so we’ll be safe.”

Ito ay opisyal na lahok bilang Maikling Kuwento sa Saranggola Blog Awards 5. Alay ito sa mga biktima ng lindol sa Bohol na may di-natitinag na pananampalataya sa Itaas. 

Image

Laking pasasalamat sa

Image