Tiket (Voiced)

ika-28 ng Setyembre, 2012

Kapirasong papel, nilukot at nabitawan.

Trapik. Siksikan. Punuan. Paano ba naman kasi eh Biyernes iyon. Kaysarap gumising pag ganitong araw hindi ba? Tinatanaw mo ang mangyayari kung matatapos ang araw. Bawat minuto ay tila napapatingin ka sa iyong orasan. Sabik ka sa wantusawang lakwatsa na magaganap kinagabihan.

TGIF daw kung maituturing ito ayon sa madlang pipol. “Thank God it’s Friday.” Pero minsan parang may mga kaugalian na talagang hindi sumusunod sa takbo ng buhay mo. Tulad ng “Friday the 13th”, Biyerenes din subali’t di naman kaaya-aya sa ilan.

Maaga akong nagising at nag-abang ng bus papunta sa opisina ni pops. Ayun, ilang metro pa nga lang eh nakadikit pa rin ang preno namin ng mahigit kalahating oras sa kahabaan ng kalye. Dagdagan pa ng dagsaan sa S&R na nagdadaos naman ng piyesta ang mga mamimili dahil sa malakihang sale. At pagkatapos ng isang kapat ng oras, sa wakas dumating na rin ako sa istasyon ng tren.

Kapirasong papel, nilukot at nabitawan.

Dali-dali akong bumaba ng bus para makahabol sa treng naririnig kong humuhuni na sa taas at paparating.


“Oy bata, nakita ko iyon ah.” Laking gulat ko nang hinarangan ako ng dalawang aleng nakaberde, sabay kuha ng ticket at minultahan ako.

Wala na akong nagawa. Yung di pagshoot ng bus ticket sa bulsa habang nagmamadali ay ang siyang naging mitsa ng pagkakamit ko ng isang paglabag sa tanang buhay ko.  Samantalang ang buong kapaligiran ay nagkalat naman ng maraming bus tiket din at naghalu-halong basurang mas malaki pa sa tila alikabok na nabitawan ko. Ang sa isip ko lang, yaong mga sadyang nagsitapon ng mga tiket at basurang yun ay namultahan din kaya? O sadyang mapili lang ang batas ngayon at sumasabay na rin sa kung anong uso at sinong kanilang trip?

Sa aking naalala, mula elementarya hanggang kolehiyo ay naging pinuno na ako sa aking mga kamag-aral, nagpatupad ng mga batas saklaw na ang kalinisan at pangangalaga sa’ting inang kalikasan. Mahigit walong taon akong nagbigay serbisyo at naging tagapagtaguyod ng kaayusan, at alam ko ang kahalagahan ng bawat proyektong aming isinasagawa.

Kapirasong papel, nilukot at nabitawan.

Oo, kakarampot na basura nga ito pero ito’y basura pa rin, alam ko. Kung kaya kahit hindi man yon sadya ay tinanggap ko na lang ang paratang na iyon. Maaaring nagkamali din ako dahil hindi na ako naging mapagmatyag sa aking bawat kilos, nagmadali kaya naging bulagsak.

Sa halip na uminit ang ating ulo sa mga ganitong sitwasyong kahit di man natin nagawa ng lubusan ay nagbunsod sa ating pagkakamali, nawa’y maging mahinahon na lang tayo at magsuhay. Ang pangyayaring ito ay magsilbi sanang inspirasyon hindi lamang sa akin, kundi pati na rin sa kapwa kong Pilipino na maging masunurin sa mga batas, mumunti man o kalakihan. May kaugalian kasi tayong minsa’y padalus-dalos at pabayang kadalasang ugat ng maraming kamalian.

Ang postibong pananaw sa mga bagay-bagay ay mahalagang matutunan natin lalo na sa kasalukuyang panahon na iniipit tayo ng mabibigat na pasanin at krisis sa lipunan. Init ng ulo, pagkainis, pagka-asar at pagkukulo ng dugo ay dapat nang iwaksi kung hindi man ay kahit bawas-bawasan na lang nang sa gayon ay mapanatili natin ang ating kaayusan.

Sadyang may mga bagay talagang kahit nagdulot sa atin ng abala ay nagmumulat pala ng ating mga kaisipan at kamalayan. Tulad nito, konting bagay lang nguni’t marami tayong natutuhan.

Kapirasong papel, nilukot at nabitawan.
Kakarampot na basura, nagturo’t nagbukas-kamalayan.

Advertisements

KEVinspire me:

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Let my every dream be yours as well. Be KEVINSPIRED.

%d bloggers like this: