Galleries

#KEVinspires: UNDAS

At huhuni muli ang batingaw ng kapilya.

Dadagsa ang mga sepulturero,

aagos ang alon ng mga taong

bibisita sa mga yumaong minamahal.

Pero heto, heto ako’t walang yumaong minamahal

kundi minamahal na wari’y yumao na.

 

Kandila’y sinindihan. Pumunta ako sa sementeryo bitbit ay mga alaala ng nakaraang taon. Umaalab muli ang init nitong pakiramdam habang samyo ng diwa ko ang iyong mga ngiting tila tumunaw sa iladong puso ko. Masasayang araw man at masasakit. Magaganda at mapapait. Hindi alintana ang ‘di mahulugang karayom na madlang nakakabangga ko sa himlayang ito sapagkat ika’y hinaharaya ng isip kong makapiling ng husto. Hanggang sa akala ko’y panaginip lang. Akala ko isang multo lang na nagpaparamdam. Pero hindi, ikaw talaga iyon, ang natanaw ng mga mata kong nabulag nang makitang may hawal-hawak na iba ang mga kamay mo.

 

Biko, suman at malalagkit. Kapag nagluto rin ba ako, maaasahan bang pagtingin mo ay muling manumbalik?

 

Sa pagsapit ng araw ng mga kaluluwa, sumalangit pala ang “tayong” pilit kong pinaniniwalaang buhay pa. Sumakabilang-buhay na pala ang yaong mga yakap, halik at mga alaalang sa kamalayan ko’y sariwa pa. Ikaw at yaring mga patay ay walang pinagkaiba –Nanlamig.Pero sana naman tulad nila, ako’y iyong dalawin kahit saglit.

 

Kaya pala. Kaya pala napadpad ako sa pantiyong ito kahit wala namang minamahal na yumao. Bitbit ang paborito mong bulaklak na lila at pulang rosas, iaaalay ko na lang ito sa damdaming nawala at alam kong unti-unti nang maagnas.

 

Ilang Halloween Party na ang dinaluhan ko mapaniwala ko lang ang sarili kong mayroong multo, kesa sa paikot-ikot at walang katotohanang bulalas mo. Maskara? Hindi ko na kailangan pang magkubli, magkunwari, sapagka’t sanay nman na akong ngumiti kahit pa ito’y masakit. Kahit pa dati’y ako lang naman ‘tong lubos na umiirog sa isang katulad mo. Dahil mabuti pa ang mga lapida sa harap ko, punumpuno ng tatak at label. Ngayon ko lang napagtanto, kahit anong pagsusuyo ko, kahit na ika’y masaya sa piling at nakikita ko, hinding-hindi ka kumikibo sa tuwing “Mahal kita.” ang bukambibig ko.

 

Kandila’y akin na lang sisindihan. Magsisilbing gumigiyang tanglaw sa pusong namatay, naagnas. Yumao man ang dati’y matabil kong nararamdaman Hinding hindi mapaparam ang diwang may “ikaw” na minahal. Minamahal at patuloy na mamahalin. Kahit pa ang ibig sabihin nito’y habambuhay na pagkapiring .

 

Sa paghuni muli ng batingaw ng kapilya, patuloy paring Iinog ang mundo, kahit pa ma’y wala ka na sa piling ko. At Sa kabila ng undas nitong pusong dinadanas Titirik parin ang kandilang magbibigay tanglaw Sa puntod nitong pag-ibig na ngayo’y napaparam.

 

Advertisements

Isang Sachet Ka Lang

            Isinilid sa isang maliit na pakete. Pasa-pasang ibinahagi sa mga nag-aabang. Dali-dali siyang kumubli sa maliit na eskinita, nag-iinit. Sabik na sininghot ang kapiranggot na mistulang asing nagpupuno sa matagal nang kumakalam na sikmura.

            Pantawid gutom daw iyon.

            Mula sa murang edad na labindalawang taon, matutunghayan ang mala-teleseryeng buhay ng pamilya ni Juan, isang kelot na itinakwil ng anim niyang mga kapatid sa Tondo,  ulila sa ina habang labas-masok at kasalukuyan namang nakapiit sa selda ang kanyang ama. Siyam na taong kahalintulad ng eksenang iyon ang naging kasanayan niya hanggang sa pabaliktad na uminog ang mundo nito noong mala-bakal na kamao na ang namuno sa bansang yari isang taon ang nakalipas.

          Sanay na silang magpamilyang mamaluktot sa sobrang iksing kumot na pinagsasaluhan nila sa ilang taong pananatili sa mundong ibabaw. At habang siya ay lumalaki, lumalawak na rin ang saklaw ng nakakasalamuha nitong mga tropa kung maituturing sa lipunan.

Si Mary Jane

          Kapag hindi lulong ang kaisipan nito sa kinahuhumalingan, maayos naman si Juan- may matayog na mithiin at madalas nagkukuwento siya ng marami niyang pangarap na nais maabot. Hanggang sa nakilala niya si MJ, ang pinakaabot-kamay niyang tropa. Doon siya nagsimulang nahumaling, love at first sight ika nga. Bata pa siya noon nang natuklasan niya ito sa Recto kung saan talamak ang pag-usbong nito lalo na sa mga nag-aaral na kabataan at mga batang lansangan. Tunay na sa kahit kakarampot na baryang meron ka eh mahuhumaling ka na sa Mary Jane na iyon. Madalas maririnig mong magkayayaan silang mag-tsungke. ‘Yun nga lang nakakaawa si Juan at ang mga katulad nito dahil bilang isang teenager dati, nawawaldas ang kanilang baon sa walang-kabuluhang bagay. Lumiliban siya sa klase at makikita mo na lang na ga-baga na ang kaniyang mga mata animo’y nagsunog ng kilay para sa kinabukasang pagsusulit. Hindi mo na siya makakausap nang matino na tila’y mabagal ang salpok ng mga selula nito sa utak. Bukod sa napapabayaan nito ang pag-aaral dahil sa makupad itong kumilos, siya rin ay malilimutin, natutuyuan ng labi at lalamunan. Maaawa ka sa bubungad sayo sa murang edad.

 

I’d rather have Lovedoves with you

            Habang nagbibinata, hindi rin maiwasang makihalubilo ni Juan sa iba’t-ibang madla kasabay ng pagtuklas nito sa sarili at marami pang kakayahan. Lalo na nung minsang nasa legal na edad na siya, madalas siyang ginagabi sa mga bar at natutong mag-party magdamag. Doon, nakilala niya si Lovedoves– ang medyo elitistang pumalit kay MJ. Ngunit sa minsang pagsasalubong sa isang pagtitipon sa lungsod, mapapansin ang sobra niyang pagkabalisa na parang nanlalabo ang paningin sinabayan pa ng nanggigigil na mga ngipin nitong hindi sinisino kung kanino at paano pipigilin ang pagkamatabil. Nakakapanibago kung pa’no iyon nahibang sa daloy ng mga salita at parirala na tila daluyong na nanalasa sa pag-uusap. Ubod ng galak, siya’y walang dudang nasa rurok nga ng ecstasy na tinatawag. Tagaktak rin ang pawis niya habang may ka-table na tatlong magagandang dilag halatang umaapoy sa kalibugan. Nakapanlulumo. Unti-unting nalalayo ang kabataang ito sa mga naipunla niyang mga pangarap para sa sarili at sa natitirang pamilya.

 

Coke Rocks!

            Nakilala niya rin si Coke, isang matalik at yayamaning lodi niya na minsa’y nagdala sa kanya sa bukambibig niyang kalangitan. Malinaw nga naman dahil halata ang panlalaki ng balintataw nito habang karamay niya ito tuwing gabi pagkatapos maibaba ng magarang kotse sa eskinita. Sa unang oras, kapag mapadaan ka sa tinutuluyan nitong barung-barong, mauulinigan mo ang sandaling ingay at kagalakan nitong tila wala nang bukas, subali’t sa pangalawa’t sumunod na pagsaglit mo ay matatagpuan mo na siyang animo’y sanggol na nakahandusay sa tabi, nalulumbay.  Rocks ang minsang bulalas ni Juan na palayaw nito kung kaya’t bunsod ng pagkahumaling ay pati kalamnan nababato’t sinusumpong na rin sa walang kadahilanan. Naku, huwag na huwag ka ring magbiro at nakakasindak ang pagalit nitong disposisyon habang nasa sistema ng kaibigan. Sobrang bihirang tagpo lang iyon pero mukhang hindi maganda ang naidudulot nito sa kanya.

Ice, ice baby

            Nasubukan na ni Juan mahumaling, malulong, at maadik sa iba’t ibang pamamaraan at nakasalamuha sa lipunang kinagagalawan. At sa pag-unlad nito habang lumalaon, mistulang natagpuan na rin niya ang kanyang The One – abot-kaya, lipana at madaling angkinin – Shabs daw iyon, Ice kung minsan ito’y tawagin. Masaya siyang nalulunod at lumilipad sa pinaniniwalaan niyang Cloud 9 kung saan siya ang supremo ng kaharian at malaya niyang nagagawa ang mga dati’y naiisip niya lamang gawin. ‘Sintulin ng kumakaripas na kabayo ang tibok ng kanyang puso na siyang ‘sinlakas din ng presyon ng dugo niya ang kumpiyansa niya sa sarili upang gawin ang mga bagay-bagay. Walang pagtitimpi. Mainipin. Minsa’y walang gana kumain sapagka’t hindi nito alintana ang tadyak ng kanyang mga bitukang natatakam. Pinakatanyag itong mala-kristal na puting Ice na ‘to sa lahat na nasubukan na niya sapagkat nabibigyan ito ng pagkakataong makaalpas sa reyalidad. High na high sa pakiramdam ang dulot kapag nalulugmok ng suliranin. Binubusog hindi lamang sikmura kundi’y pati damdamin. Subali’t ang kalabisan ay humantong din sa karahasang nagpipiring sa kanya ngayon ng dilim.

 

Larong nakamamatay

             Langit, lupa, impiyerno.

             Im-im-impiyerno…

            Saksak puso, tulo ang dugo..

            Patay. Buhay. Ang dating tunog-dahas na larong Pilipinong ito ay literal nang nagiging laro ng kasalukuyang henerasyon. Larong nagbabaga kapag napag-uusapan sa telebisyon at pahayagan. Larong naghahatid ng pangamba at takot sa bawat Juan na nagiging saksi ng araw-araw na karahasan. Dati’y simpleng laro na ngayo’y tumambad na katotohanang sumasalamin sa laban ng gobyerno kontra droga. Patay… marami. Buhay…nagwawakas.

           Dumami ang negosyo ng punerarya. Tumaba ang mga isda sa Manila Bay. Ga-truck na bangkay ang naihahatid sa morgue. Hindi lang nakinig si Totoy, nagpagabi, napagkamala’t humandusay na sa tabi.

           Maraming batang Juan ang namulat sa ganitong lantarang sitwasyon. Iisang gramo ng mga kemikal na ito ang puno’t dulo ng karumal-dumal na kalagayan ng bansa sa kasalukuyan. Iisang sachet na sanhi ng tunggalian ng pamahalaan laban sa simbahan laban sa mga kapulisan laban sa natatanging karapatang pantaong natitira sa bawat mamamayan.

            Krimen ang siyang pangunahing dahilan kung bakit mariing sinusugpo ng pamahalaan ang mga durugista sa bansa subali’t marahas na krimen din ang siyang naging bunga ng layuning ito. Hindi ba dapat alinsunod sa ‘ting batas mas pagtuunan ng pansin ang naangkop na proseso sa mga nahuling lulong, bagkus ang rehabilitasyon ng mga ito? Animo’y naging karit ni kamatayan ang batuta’t baril na dapat ay magliligtas at mag-iiwan sana ng kapayapaan sa kabansaan. Wari’y “isang sachet ka lang!” ang eksena sa tagpo ng mga tagasunod ni FPJ sa kasalukuyan.

            Sa anumang kalakaran, gawain o panunutunan, ang pamuhatan ang ugat at nagsusuplay sa lahat ng puno; at tanging ang pagputol sa mga pinagmulang ito ang mas mahalagang dapat sugpuin, gawan ng paraan. Sa halip na tumbukin ang mga nasa ibaba, maaaring bigwasan ng malakas ang malalaking drug lord at protektor sa bansa na may ugnay sa pandaigdigang mga sindikato ng droga nang maputol ang siyang ugat.  Kapag ang ga-drum maski pakete lang na inaangkat at dumaan sa Kawanihan ng Adwana ay napupuksa kaagad, malabong may maipupuslit pa na mga bawal na gamot na talamak na lalaganap sa lipunan. Pero kung ito’y napapabayaan at tila pinalalampas dahil naging kaugalian na, isang sachet ka lang.

 

Krusada ni Juan

         Hindi lamang ang estado ang may hawak ng armas, may kakayahan na rin pati mga bihilante at tulisan na magtakda kung ano ang batas. Iilang kinabukasan na ang nasira’t tuluyang naging takipsilim. Maraming pamilya ang nawasak at nawalan ng supling. Mahigit-kumulang pitong libong mga pangarap ang kinitil bunsod ng masigasig na brigadang ito. Kaysa magpaligsahan sa dami ng naitutumba, dapat tulungang magbagong-buhay at abutan ng tulong para makaambag sa lipunan ang mahihirap na mga Pilipino na nabiktima ng paggamit ng droga.

            Si Juan ay simbolo lamang ng mga biktima ng ipinagbabawal na gamot na nawala sa sanlibutan sa ‘di pa itinatakdang oras: Si Tapang na niratrat ng 23 na bala dahil sa mistaken identity, ang matandang Zarragosa na walang pagtitimping binaril sa mukha habang siya’y natutulog lamang, si Jennelyn na nagmistulang Pieta sa Pasay habang yakap-yakap ang napagkamalang tulak na asawa’t pinatay, ang binatilyong binaril dahil nanlaban daw na si Kian Loyd at ang butihing batang si Carl Angelo na napagbintangan, pinaghinalaang nanlaban din kaya pinaslang. Sila’y yaong mga walang pakundangang pinagkaitan ng kanilang karapatang mabuhay at hinatulan ng mga diyos-diyosan ng lipunan sa pamamaraang alam lamang ay kanilang kapangyarihan.

           Tandaan, walang tsapa o lisensya sa pagpatay ang lumalagi sa ating batas. Maisip sana ng mga nasa kataas-taasan na ang sistemang shoot-to-kill ay maaaring hindi ang perpektong paraan ng pagpuksa sa labang ito, sa halip ay nagpapakita lamang ng abuso sa kapangyarihan. Nakasaad sa Saligang Batas Artikulo III, Sek. 14 (2) na sa lahat ng kriminal na pag-uusig, ang akusado ay itinuturing na walang-sala hanggang hindi napapatunayan na nagkasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa- ito ay nararapat lamang na sundin, pagtibayin.

            Hindi maikakailang maraming naging epekto ang krusadang ito ng ating gobyerno, may maganda at mayroon ding hindi kaaya-ayang bunga. Dito umusbong ang ilang lagda na naglalayong ibalik ang hatol ng kamatayan sa mga mabigat na nagkasala pati na rin ang pagpapababa ng edad  ng mga mahahatulan ng krimen. Naipasaayos rin at nabigyang–pansin  ang mga kanlungang pang-rehabilitasyon ng mga kababayan nating nahuling positibo at lulong sa droga kahit ito’y kulang na kulang pa. Sa kabilang banda, nadumihan naman ang imahe ng Pilipinas sa mga dayuhang bansa dahilan upang mag-alsabalutan sa pamumuhunan na siyang nagpabagal ng takbo ng ekonomiya natin ngayon.

          Lahat ay may kanya-kanyang opinyon at solusyong napagtatanto hinggil sa usaping ito. Nagkakatalo–talo man, huwag sanang maisawalang-bahala ng mga kinauukulan ang mga karapatang naapakan bunsod ng pagmamalabis at abuso sa kapangyarihan. Sa ngayon, marami pa ang patuloy na tinutukso at mabibiktima nina MJ, Lovedoves, Coke at Ice lalo na sa mabilis na pagbabago ng siyensya at henerasyong ito at hangga’t hindi pa natutuldukan ang laro ng pagtutugis, iisang gramo ma’y magaan bagama’t tone-tonelada pa rin ang bigat na pasanin ng mga pamilyang naiwan ng mga biktima.

         Patay- lalong dumadami. Buhay- patuloy na nagwawakas. Matutumbasan ba ng isang sachet ang buhay na naparam? #

Ang sanaysay na ito na may temang “Sachet” ay opisyal na lahok  ngayong taon sa:

Saranggola 336x280

Salamat sa mga sponsors:

Giving Light to Youth’s Mentality

One shot for feelings betrayed and neglected. Two bottles to arrest confidence and vent out inner melancholy. Three buckets for a love defunct, demised, and broken. The counter goes on and on until all became wasted. This is the only way Andie could escape from all depressing emotions that keeps on drowning her. And recently, this too, has been one of the novel ways the youth of today or what were tagged as ‘millennials’ do to unmask pain and deal with coping up.

Astray, like nowhere to be found, she was. For days, my classmate Andie locked herself inside her room and gone seemingly incognito into someone she was not because of her failed relationship. With thoughts of quitting medical school and close-to-cutting her pulsations off, I am scared that this might also be mutual thoughts to many other youth encountering the same feeling at that particular moment.

1in41

Today, mental health becomes a pressing issue not only in our country but even in the different parts of the world especially in neighboring Asian countries, with a long lasting cultural stereotype due to the manner in which it has long been labeled. In the Philippines, one in five people suffers from a mental health problem and mental health illnesses are the third most common forms of morbidity for Filipinos not to mention the ratio of mental health personnel to population which is nowhere near the World Health Organization (WHO)’s recommended levels in the less developed countries of the continent. What makes the numbers rise unceasingly is due to the endless stigma that sticks with one who seeks professional help as if it’s a taboo so to speak. From there, access to psychiatric care are impinged which created more Andies vulnerable especially among the youth of this generation.

Change is an immutable element in this time and change however, for this concern to be resolved, making a difference to what has been ingrained in society’s mindset might change people’s perspective on these mental health issues.

For one, venturing into medical school opened the gates for me to knowing the biopshychosocial approach when dealing not just only with patients but with other interpersonal interactions with people. I see a person not just a human being anymore but as a totality where one needs to consider the holistic aspect in treating others. With this image imperatively painted in the minds of the youth, a whole, new perspective may arise and gradually dispose off the stigma that sticks along.

MentalHealthPstr

Mental health awareness is the key to opening the minds of those shallowly-influenced by the norm. The power of social media where the youth reigns supreme can move mountains and reverberate this voice especially among ASEAN nations who are statistically suffering the lead with the most cases of suicides and other mental health problems to note. Millennials are socially-conscious people who believe that they can change the world in a realist kind of way hence can be pragmatic in supporting such causes, which I do in my own simple way through blog.

When united as one, we can delineate the gaps between the what-used-to-be’s from what-should-be’s in today’s mentality. These depressing feelings when channeled to the very right reason can give birth to a beautiful purpose. So as we encounter more Andies in our lives, may we remind them that the negative emotion they feel is a flowerbud that can blossom to an amazing work of art or story or beautiful melody. For no shots or bottles can heal the mind than a hand held tight reminding that someone’s there ready to listen and give light.

e009173105184c45d313d2d608e45dea--bipolar-awareness-facebook-profile

#KEVinspires: DEPRESYON

Minsan, dumadating tayo sa punto ng ating buhay na

hindi natin alam at basta na lang tayo nalulungkot.

Nalulungkot, binabalot ng panglaw at nag iisa.

Ang isip mo’y tuliro at balisang balisa

sa mga bagay na di mo rin mawari

at basta ka na lang natakot at niyari

nitong emosyon na walang pakundangang bumihag sa iyong damdami’t naghari.

 

Nilugmok. Nilugmok ka sa pagdarahop na wari’y akala mo’y wala kang kakampi.

Walang kakampi sa paglaban sa nararamdaman mong depresyon.

Hindi sa basta ka na lang naghahanap ng kalinga, karamay o atensyon.

Maging sakit na kailangan mong ikahiya sapagkat  ika’y may ganitong sitwasyon.

Kapatid, minsan, okay lang maging hindi okay.

 

Isa, dalawa, tatlong bote, bucket hanggang sa isang kaha ng serbesa.

Nilunod mo ang iyong sarili umaasang lahat ng lungkot ay mawawala.

Pero wala, hindi napawi ang sakit, ang lungkot na dulot nitong emosyon.

Mga emosyong pilit mong ibinabaon sa kailaliman ng iyong isip at damdamin

hanggang sa makita mong kinukumbinsi mo na ang iyong sarili na ika’y- Masaya.

Nagkukunwari lang pala. Kasi alam mo sa kaibuturan ng puso mo na pilit mo lang

Kinakalagan ang sarili mo sa ganitong koneksyon.

 

Madalas, hindi mo rin mawari kung bakit ka basta na lang galit kahit kanino-

sa mahal mo, sa nanay at tatay mo maging sa kawawang aso mo.

Lahat sila’y nakaranas ng nagngangalit na apoy sa mga mata mong

hindi na matukoy ang kakampi sa kalaban, sumusugod nang walang dahilan.

 

Ang makaalpas sa masukal na pakiramdan ang s’yang tanging nais.

Subalit lahat ng ito’y bunsod ng hindi balanseng kemikal ng utak, kulang o labis .

 

Kung nadadama mo man ito, tibayan mo ang iyong loob.

Tulungan mo ang kakilala, kaibigan, o mahal mong nagdurusa sa sitwasyong ito.

Walang ibang lunas upang makaalpas sa pakiramdam

kundi ang pagkilala sa di-kaaya-ayang depresyong  tila’y di mapaparam.

 

Unti-unting ibalik ang nalanta mong sigla.

Itapon lahat nang mapapait na alaala.

Tumahan ka, itigil na ang pagluha.

Ilayo at labanan mo ang anumang talim.

Talim na syang magdudulot ng mapangwawasak na dilim.

Kadilimang pipiring at kakarit sayo patungo sa kawalan

Kawalan na mag-iiwan ng masakit na bakas sa iyong mga minamahal.

Kaya kapatid, manalig ka.

Magpakatatag ka.

Magpatingin.

At sa di mo mamamlayang oras

ikaw rin ay makakaalpas.

Bubusilak muli ang mga ngiting hindi-hindi na kukupas.